Kamara, paiimbestigahan ang mabagal na distribusyon ng SAP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Naghain ng resolusyon (House Resolution 973) noong Hunyo 15 sina House Speaker Alan Peter Cayetano at iba pang mga pinuno ng Kamara na layuning paimbestigahan ang usad-pagong na implementasyon ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Cayetano, bagama’t napaikli ng DSWD sa sampung araw ang proseso sa pamamahagi ng ayuda, mahaba pa rin aniya ito sapagkat hindi pa rito kasama ang aktwal na pamimigay ng ayudang pinansyal.

Orientation sa mga local government units (LGUs) tungkol sa Social Amerlioration Card (SAC) forms at pagsusumite sa listahan ng benepisyaryo lamang ang saklaw sa sampung araw na ito.

The complexity of the process and guidelines remained the same and continues to because of confusion and misunderstanding by the LGUs and the general public (Nanatili ang pagiging kumplikado ng proseso at mga guidelines at nagpapatuloy pa rin ito dahil sa kalituhan ng mga LGUs at ng publiko),” giit ng resolution.

Ang pagkaantala sa implementasyon ng SAP ay taliwas sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na agarang ipamigay agad ang ayuda sa mga mahihirap na benepisyaryo.

Sa isinabatas na Bayanihan to Heal as One Act noong Marso, mabibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda ang 18 milyong mahihirap na benepisyaryo sa loob ng dalawang buwan.

Kabilang sa mga pumirma sa inihaing resolusyon ay sina Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte Jr., Raneo Abu, Dan Fernandez, Neptali Gonzales II, kabilang sina Batangas Rep.Theresa Collantes, Manila Rep. Cristal Bagatsing, Laguna Rep. Ruth Mariano-Hernandez, at Manila Rep. Manuel Luis Lopez.

Ayon naman kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, 81.15% na ng SAP liquidation ang nakumpleto noong Hunyo 7 na kinabibilangan ng mga ulat na isinumite ng 1,104 LGUs para sa unang bugso ng SAP.

Nagsasagawa ng validation ang DSWD upang matiyak na ang mga benepisyaryo ng DSWD ay hindi na tatanggap ng SAP mula sa ibang ahensya.

Batay sa datos ng ahensya noong Hunyo 15, P18.3 bilyon ang naipamahagi sa 4,216,960 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) beneficiaries.

P81.7 bilyon naman ang naibigay sa mga LGUs. Sa pondong ito, P80.6 bilyon ang inilaan para sa 13,304,008 non-4Ps beneficiaries.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dalawang araw lamang ang itatagal ng distribusyon sa pangalawang alon ng SAP dahil idadaan ito sa ReliefAgad, isang sistemang automated sa pamimigay ng ayuda.

Sa ReliefAgad, mas mapabibilis ang pag-access ng DSWD sa detalye ng mga benepisyaryo at maisasakatuparan ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan lamang ng smartphones.

Inaanyayahan naman ang SAP beneficiaries na magparehistro sa ReliefAgad sa pamamagitan ng pagpunta sa website na www.reliefagad.ph upang mas mapabilis ang pagproseso sa pagkuha ng ayudang pinansyal.

LATEST

LATEST

TRENDING