Duterte, pinagpipilian ang GCQ, MGCQ, o MECQ para sa Metro Manila at Cebu City

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Roa Duterte

Tatlong opsyon ang pinagpipilian ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa bagong pagpapasya tungkol sa community quarantine ng Metro Manila at Cebu matapos ang Hunyo 15.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng panatilihin ng pangulo ang general community quarantine (GCQ) sa dalawang lugar, isailalim ang mga ito sa mas magaaang modified GCQ (MGCQ), o di kaya ay ibalik ang mga ito sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ).

Aniya, “Bahala po ang Presidente kasi binabalanse naman po natin iyong ekonomiya at sapat naman po iyong kakayahan nating magbigay ng medical care doon sa mga magkakasakit nang critical, iyong critical care capacity natin.”

MGCQ ang pinakamababang antas ng community quarantine bago magtungo sa new normal. Sa ilalim nito, papayagan na ang mga malawakang pagtitipon nang hanggang sa 50% ng venue capacity.

Subalit, iginiit ni Roque na baka hindi makabubuti sa ngayon ang pagpapasailalim ng Kalakhang Maynila at Cebu City sa MGCQ dahil sa mataas na bilang ng mga kaso sa dalawang lugar.

“It’s a gamble po na hinayaan na natin ang Presidente na magdesisyon,” ani Roque.

Naunang sinabi ni Roque na handa na ang bansa sa pagpapatupad ng mga bagong panuntunan ng commuity quarantine sa Hunyo 16.

Ipinagbigay-alam na aniya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan ang posibleng mangyayaring quarantine reclassifications sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Natakdang mag-aanunsyo ang pangulo tungkol sa kanyang pagpapasya sa Lunes, Hunyo 15.

Kasalukuyang umiiral ang GCQ sa National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, Pangasinan, Albay, Zamboanga City, Davao City, Cebu City and Mandaue City hanggang Hunyo 15. Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay nasa ilalim ng MGCQ.

LATEST

LATEST

TRENDING