Sa pag-aaral na isinagawa sa laboratory mice ng bakuna kontra Covid-19 ng kumpanyang Moderna Inc., napag-alamang kaya nitong mabawasan ang posibilidad ng paglala ng sakit.
Isang dose lang aniya ay maaari nang makapagbigay ng sapat na proteksyon kontra Covid-19, ayon sa preliminary data na inilabas noong Hunyo 12.
Bagama’t maganda ang resulta ng mga datos na inilibas ng US National Institutes of Allergy and Infectious Disease (NIAID) at Moderna, hindi pa nito nasasagot nang buo ang tanong kung maaari na ba itong magpagaling ng Covid-19 sa tao.
“This is the barest beginning of preliminary information (Nasa unang bahagi pa lamang tayo ng mga impormasyong nakakalap),” giit ni Dr. Gregory Poland, isang immunologist at vaccine researcher sa Mayo Clinic, na nabasa ang pag-aaral na isinagawa ng Moderna.
Ayon kay Poland, hindi pa ito kumpleto at magulo pa. Maliit din ang bilang ng mga hayop na tinest. Subalit, sinabi ng mga awtor ng pag-aaral na isinumite na nila ito sa isang top-tier journal.
Kasalukuyang nasa midstage testing na ang bakuna ng Moderna sa mga boluntaryong malulusog. Planong isagawa nito ang final-stage sa 30,000 katao sa Hulyo.
Sa animal studies naman, nakatanggap ang mga laboratory mice ng isa hanggang dalawang shot ng iba’t-ibang doses ng bakuna, kabilang na ang mga mahihinang doses na hindi makapagdudulot ng protective immune response. Kinalaunan ay in-expose na sa coronavirus ang mga daga.
Batay sa resulta ng testing, ang bakuna ay nakapagdulot ng antibody responses upang harangan ang virus na pumunta sa iba pang mga cells. Prinotektahan din ng bakuna mula sa impeksyon ang baga at ilong.
Binigyang diin ng mga mananaliksik na ang mga dagang nakatanggap ng isang dose bago iharap sa virus pagkatapos ng pitong linggo ay buong naprotektahan mula sa “lung viral replication”.
Nangangahulugan itong napigilan ng isang pagbabakuna ang pagpaparami ng coronavirus sa baga.
“At first glance, it looks promising in inducing neutralizing antibody protection in mice (Sa unang tingin, mukhang maganda ang resulta sa pagprotekta ng bakuna sa mga daga),” wika ni Dr. Peter Hotez, manaliksik sa Baylor College of Medicine.
Ayon naman kay Poland, na hindi kabilang sa nasabing pag-aaral, may mga mahahalagang salik na hindi napabilang sa pag-aaral na maaari makatulong sa mga siyentipiko upang kilatisin pa lalo ang pag-aaral.
“The results, such as they are presented, provide interesting data that are reassuring… This needs to be replicated and it needs to be peer-reviewed (Maganda ang datos na ipinapakita ng pag-aaral… Kailangan itong maulit at i-peer review),” ani Poland.