Online sellers, umalma sa bagong palisiya ng BIR na pagbuwis sa online transactions

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, maraming mga Pilipino ang sumubok na magnegosyo online upang makaraos sa nararanasang pandaigdigang krisis, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Kaya naman marami ang umalma at hindi natuwa sa bagong palisiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpaalalang iparehistro ng mga online sellers ang kanilang mga negosyo at ideklara ang kanilang mga transaksyon.

“Iyung tataxan kami is a big no. Bukod po sa wala pa sa minimum wage ‘yung kinikita namin, wala pa po kaming benefits,” giit ni Venice Balboa na nagtitinda ng baked products online. 

“Konti lang talaga ang kinikita sa online selling sa totoo lang,” hinaing naman ni Mara Manuel, isa ring tagabenta ng pagkain online.

Kinuwestyon din ni Senador Risa Hontiveros ang kautusan ng BIR at sinabing bakit hindi na lang muna habulin ng pamahalaan ang P50 bilyong utang na buwis ng Philippine offshore gaming operators (POGO).

Aniya, “Imbes na online sellers, baka pwedeng singilin muna ang mga POGO na may P50 billion in unpaid taxes? Hindi ‘yung dagdag-perwisyo pa sa sarili nating mga kababayan na kaunti na nga lang ang kita para pandagdag-gastos sa pamilya nila.” 

Ayon naman kay Senador Joel Villanueva, “Pasalamat nga tayo at madiskarte ang mga Pilipino. Wala na ngang ayuda, ita-tax niyo pa. Hindi naman milyon-milyon ang kinikita ng maliliit na online sellers.”

Nais rin ng DTI na iparehistro sa kanila ang mga negosyo ng online sellers upang maproteksyunan ang parehong seller at mamimili.

Wika ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, “Aside from the fact that this will guide us kung saan natin hahanapin yung mga sellers in case of consumer complaints or consumer concerns but also this will help us improve the industry, mas madali natin silang mako-contact.”

Batay sa datos ng DTI, mahigit 8,000 na ang natatanggap na reklamo hinggil sa mga online transactions sa panahon ng quarantine, malayong-malayo sa halos 1,000 lang na natatanggap noong Enero hanggang Marso 2020.

Binigyang linaw naman ng Malacañang na ang mapapabilang lamang sa palisya ng BIR ay ang mga online sellers na kumikita ng P250,000 pataas kada taon.

LATEST

LATEST