Kasalukuyang sumasailalim sa review sa dalawang opisina sa ilalim ng Office of the President (OP) sa Malacañang ang kontrobersyal na panukalang Anti-Terrorism Bill, ayon sa Malacañang.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isa sa tatlong opisina pa lamang sa ehekutibo ang nakatapos magreview ng bill.
“I think ang natapos lang po is si Secretary Panelo,” ani Roque.
Ayon kay Panelo, kinakailangan ng agarang maipasa ang panukala matapos itong isailalim aniya sa mabusising pagkilatis.
Naniniwala siyang magsisilbi itong makapangyarihang sandata para sa pamahalaan upang masugpo ang terorismo sa bansa.
Samantala, inaantay pa ang rekomendasyon ng Office of the Executive Secretary at Deputy Executive Secretary for Legal Affairs tungkol sa Anti-Terror Bill.
“Ang ie-emphasize ko lang po, may at least tatlong opisina po ang pakikinggan niya (Duterte). Isa lang po si Secretary Panelo,” pagbibigay linaw ni Roque.
Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kinakailangan upang ganap na maisabatas na ang nasabing panukala matapos itong matanggap ng Palasyo mula sa Kongreso noong Hunyo 9.
Maaari itong pirmahan ng pangulo, tanggihan, o hayaan lang na maging ganap na batas matapos ang 30 araw.
Ang Anti-Terror bill ay magpapahintulot sa detention ng mga sinususpetsahang terorista nang aabot ng 24 araw nang walang arrest warrant.
Ang mga pulis at militar ay maaari ring magsagawa ng 60-day surveillance na posibleng pahabain pa ng 30 araw sa mga pinaghihinalaang suspek.
Ang sinumang boluntaryong sasapi sa anumang organisasyong may kinalaman sa terorismo ay mahaharap sa 12 taong pagkakabilanggo.