Duterte, bukas sa usapin ng face-to-face classes

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: DepEd-Iloilo

Bukas sa posibilidad ng pagpapahintulot sa face-to-face (F2F) classes sa mga lugar na walang kaso ng Covid-19 si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Malacañang.

I am sure the President is open to further discussion on the possibility of face-to-face (Tiyak akong bukas ang pangulo sa posibilidad ng face-to-face) pero uulitin ko po, habang may banta ang Covid sa isang lugar eh out of the question po iyan,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Maaari pa aniyang bumuti ang sitwasyon sa Covid-19 situation sa mga susunod na dalawang buwan bago magbukas ang klase.

We will see po what will happen in the next few months (Titignan natin ang mga mangyayari sa mga susunod na buwan) kasi Agosto pa naman po ang simula ng klase,” ani Roque.

Naunang sinabi ng pangulo sa publiko noong Mayo 25, na mas mabuti kung ipagpaliban na muna ang F2F classes hangga’t wala pang bakuna kontra Covid-19.

Wika ng pangulo, “I will not allow the opening of classes (Hindi ko papayagan ang pabubukas ng klase) na magdikit-dikit ang mga bata. Bahala na hindi makatapos. For this generation wala nang matapos na doctor pati engineer.”

Sang-ayon naman si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa mungkahi ng pangulo at sinabing mananatili sa mga tahanan ang mga estudyante habang magpapatupad ng mga alternatibong pamamaraan ng pagtuturo ang mga paaaralan bunsod ng pandemiya.

Inihahanda ng ahensya ang pagbabalik-operasyon ng mga paaralan batay sa Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) mula DepEd Central Office hanggang sa school level.

Planong ipatupad ng DepEd ang tinatawag na “blended learning” kung saan gagamit ng radyo, telebisyon, at mga online materials sa pagtuturo.

Samantala, maaari namang mag-umpisa ng pasukan ang mga kolehiyo at unibersidad na magpapatupad ng online education habang ang mga magpapatupad naman ng flexible learning ay maaaring magbukas anumang araw sa Agosto 2020.

Ang mga Higher Education Institutions (HEIs) naman ay hindi papahintulutang magdaos ng F2F classes bago mag Setyembre 1, 2020, habang walang in-person classes naman ang papayagan bago mag Agosto 21, 2020.

Hinihikayat din ang mga pampribadong mga kolehiyo at unibersidad na baguhin ang kani-kanilang mga academic calendar at itakda ang pagbubukas ng klase sa Agosto 2020.

Kasalukuyan ipinatutupad ang remote enrollment sa buong bansa na layuning kolektahin at suriin ang mga detalye ng mag-aaral.

LATEST

LATEST

TRENDING