Isang 28-anyos na Filipina seafarer ang nagpakamatay sa sinasakyang barko matapos malamang sinuspinde ang repatriation flight niya pabalik ng Pilipinas. Ito ay kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin, Jr. sa kanyang Twitter account noong Hunyo 11.
Aniya, “It is my sad duty to report that a 28-year old female mariner committed suicide in her cabin in the ship where she’s had to stay because repatriation flights back to the Philippines have been suspended again (Ikinalulungkot kong ibalita na isang 28-anyos na Pilipinang mandaragat ang nagpakamatay sa kanyang cabin sa loob ng barkong sinasakyan matapos makansela ulit ang kanyang repatriation flight pabalik ng Pilipinas).”
“I know our quarantine facilities are jam-packed; just don’t know why (Alam kong puno ang ating mga quarantine facilities; hindi ko alam kung bakit),” dagdag pa ni Locsin.
Nakilala ang nasawing overseas Filipino worker (OFW) na si Mariah Jocson, miyembro ng crew ng Harmony of the Seas, kung saan “naka-detain” aniya ang mga crew members habang nag-aantay sa paulit-ulit na kinakanselang repatriation flights pabalik ng bansa.
Ang sinasakyang barko ay nasa Bridgetown Port sa Barbados noong nagpakamatay si Jocson.
Ito na ang ikalawang kaso ng OFW na nagpakamatay sa kasagsagan ng pandemiya. Ang nauna ay nagpakamatay noong Mayo sa Lebanon.
“We are tartly reminded that Filipino resilience is no excuse to stretch them to breaking point (Hindi dahilan ang pagiging matatag ng mga Pilipino upang itulak sila sa sukdulan). Di sila goma; tao sila),” giit ng kalihim.
Kung nangangailangan ka ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan, tumawag sa 24/7 National Center for Mental Health Crisis Hotline sa (0917) 899-8727 o (02)7-989-8727 o 1553 (Landline-to-landline lamang).