Año: Metro Manila, posibleng manatili pa rin sa GCQ matapos ang Hunyo 15

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DILG Secretary Eduardo Año

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mas mainam aniya kung mananatili sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila pagkatapos ng Hunyo 15 upang maipigilan ang pag-spike sa bilang ng mga Covid-19 cases.

Aniya, “Para sa akin, 50-50 pero mas lamang, magre-remain ‘yan (Metro Manila) sa GCQ”.

Kasalukuyang nasa 12,916 ang bilang ng mga kaso sa Kamaynilaan, kabilang na ang 83 fresh cases na naitala noong Hunyo 11.

Sinabi rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi inirerekomenda ang pagpapagaan ng quarantine protocols sa Kalakhang Maynila dahil sa mga bagong paglobo sa bilang ng mga kaso.

“Ang aking pananaw kasi, although i-compare mo ‘yung trend, mas mababa ‘yung numero kung overall pero wala pa siyang downtrend eh, patuloy pa ring may mga fresh or new cases,” ani Roque.

Dagdag pa, “If we are going to relax it now (Kung papaluwagin ngayon), baka mabulunan o madapa. Baka kung okay na tayo pero dahil niluwagan mo, bumalik na naman at magkaroon ng mas marami (na kaso).

Sa ilalim ng modified GCQ, papahintulutan ang pagbubukas ng mga establishimento sa 75% na kapasidad.

Ayon kay Año, nakadepende pa rin ang desisyon sa pangulo sa Lunes, Hunyo 15, subalit iginiit na kinokunsulta ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga alkalde at gobernador tungkol sa kapalaran ng iba’t-ibang lokalidad sa darating na Hunyo 16.

Naka-pokus ang atensyon ng IATF sa Metro Manila, Cebu City, at mga lalawigan sa Regions 2, 3, at  4-A.

Magpapaulong din ang mga alkalde ng National Capital Region (NCR) para maghain ng rekomendasyon sa IATF, at magsilbing basehan para kay Pangulong Duterte sa pagpapasya nito sa Hunyo 15.

Binigyang diin din ni Año na malaki ang problemang kinakaharap ng Cebu City dahil naungusan na nito ang Quezon City, ang pinakamalaking lungsod sa bansa batay sa land area, sa kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa nakamamatay na sakit.

“Ang nakikita natin ay hindi maganda ang numero, kaya kailangan ay pag-aralan natin… Ang titingnan natin, gaano ba kapuno ang mga ospital diyan sa Cebu City? Kaya pa ba nila kung sakaling magtuloy-tuloy umakyat?,” giit ni Año sabay sabing iniinspeksyon na nina  Covid-19 national task force chief implementer Carlito Galvez, Jr. at deputy BCDA President Vince Dizon ang mga pasilidad sa lungsod.

Ayon sa datos noong Hunyo 11 ng hapon, nasa 24,175 na ang kabuuang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa. Sa bilang na ito, 17,974 ang active cases, 5,165 ang gumaling, at 1,036 ang nasawi.

LATEST

LATEST