Panibagong patakaran sa quarantine, iaanunsyo ni Duterte sa Hunyo 15

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Muling haharap sa taumbayan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hunyo 15, upang inanunsyo ang mga magiging bagong patakaran ng community quarantine sa pagtatapos ng mga umiiral na panuntunan sa parehong araw.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isinumite na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kay Duterte ang mga rekomendasyon nito.

“Mismong si Presidente Duterte po ang haharap at kakausap sa taumbayan sa Lunes, June 15,” ani Roque.

Pinaalalahanan naman ni Roque ang publiko na hindi pa pinal ang mga rekomendasyon ng IATF sapagkat puwede pang umapela ang mga pamahalaang lokal tungkol dito.

Aniya, “Mayroon pa pong mga apila na mangyayari… Ko-confirm ko po na mayroon na tayong mga rekomendasyon, pero ang mga rekomendasyon po ay hindi pa po pinal”.

Naunang itinakda ang pagpupulong ni Duterte kasama ang IATF sa Hunyo 11, subalit inurong ito sa Hunyo 15.

Ngayong buwan, nag-umpisang pagaanin ng gobyerno ang mga umiiral na quarantine protocols sa buong bansa upang mabigyan ng pagkakataong makabangong muli ang ekonomiya.

Maliban sa Metro Manila, Pangasinan, Cagayan Valley, Central Luzon, Central Visayas, Davao City, at Zamboanga City, na nasa general community quarantine (GCQ), ang lahat ng bahagi ng bansa ay nasa ilalim na ng modified GCQ hanggang Hunyo 15.

Batay sa datos noong Hunyo 10, pumalo na sa 23,732 ang bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 1,027 na ang nasawi habang 4,895 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST

TRENDING