Itinanggi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na pamahalaan ang may pakana sa mga naglipanang pekeng Facebook accounts dahil siya rin aniya ay mayroon nito.
Iginiit ni Panelo sa mga mambabatas ng oposisyon na walang basehan ang mga paratang nito na ang mga kritiko ng anti-terror bill ang pinupuntirya ng mga dummy accounts dahil siya rin mismo ay biktima nito.
Aniya, “I’ll give you one concrete example why the government will not do it (Bibigyan ko kayo ng halimbawa kung bakit hindi ito gagawin ng gobyerno). Alam niyo ba na ang inyong lingkod ay biktima rito?”
Ipinakita ni Panelo ang printouts ng kanyang “tunay” na Facebook account, na nilikha ng kanyang mga dating estudyante, at sinabing mag-aapat na taon na itong “inactive”. Pagkatapos ay ipinakita niya ang printouts ng walong Facebook accounts, ang ilan ay walang profile pictures.
Bago pa man ipinasa sa Kamara ang anti-terror bill, marami na raw pekeng accounts ang nagsusulputan sa social media ani Panelo. Binigay nito bilang halimbawa ang isang scammer na inaresto ng mga paulis dahil sa pagpapanggap at panloloko sa ilan niyang mga kaibigan.
Inulit din nito ang pananaw ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, awtor ng anti-terrorism bill, na posibleng ang mga grupo o indibidwal na nananawagang ibasura ang anti-terror bill ang may kagagawan ng mga dummy accounts.
Noong Hunyo 8, sinabihan ng Malacañang si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na magsampa ng reklamo sa korte kung may pruweba itong ang pamahalaan ang nasa likod ng mga kumakalat na dummy accounts.
Sa kasalukuyan, naglunsad na ng imbestigasyon ang National Privacy Commission (NPC) at Department of Justice (DOJ)-Office of Cybercrime, kasama na ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa insidente.
Sa pagdepensa naman sa anti-terror bill, sinabi ni Panelo na ang mga kritiko ay iyong mga indibidwal na todo tanggi pa rin sa mga nagawa ng administrasyong Duterte o di kaya ay iyong mga ayaw lang basahin ang naturang panukalang batas.
“Tingnan mo naman kung gaano kakapal ‘to, 63 pages. Paano mo nga naman pagtiyatiyagaan basahin ‘yan?” wika ni Panelo.
Sa pangamba naman tungkol sa pag-aresto ng walang warrant, tiniyak ni Panelo na ang mga alagad ng batas na magsasagawa ng pag-aresto ay inaatasang magbigay-alam sa korte sa loob ng 24 oras o di kaya ay makakukulong sila nang hanggang 10 taon at mapapatalsik sa gobyerno.
Binigyang diin din ni Panelo na hindi gagamitin ang bill upang patahimikin ang mga kritiko dahil hindi di umano kabilang sa terorismo ang pagpoprotesta o pagpapahayag ng kritisismo.
Dadag pa niya, hindi rin makakapag “surveil, record or collect” ng pampribadong komunikasyon ang mga awtoridad nang walang pahintulot mula sa Court of Appeals.
Maaari ring kwestyunin ng detainee ang kanyang pagkaka-aresto sa pamamagitan ng paghahain sa korte ng writ of habeas corpus o writ of amparo.
Ang writ of habeas corpus ay isang lunas na ibinibigay sa sinumang iligal na na-detain upang siya ay agarang mapalaya, habang ang writ of amparo naman ay lunas para sa indibidwal na biktima ng karahasan o paglabag sa kanyang karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad.
Puwede ring maghain ng petition for bail ang sinumang aarestuhin dahil ito ay karapatan niya batay sa Saligang Batas.