Dine-in sa GCQ, aprubado na sa IATF

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyong ibalik ang dine-in services ng mga restawran at fast food sa general community quarantine (GCQ) areas simula Hunyo 15, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.

Ang naturang rekomendasyon ay ipepresenta kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang huling magpapasya hinggil dito. Inaaasahang mag-aanunsyo ang pangulo tungkol sa kapalaran ng community quarantine sa bansa sa mga darating na araw.

Ayon kay Lopez, muli nilang pinayagan ang partial resumption ng dine-in services upang matulungan ang mga manggagawang nahihirapan sa pagkawala ng hanapbuhay nila.

We are doing this essentially in the interest of workers so they can get back to work. We shall be doing this on a gradual basis starting at a 30 percent operating capacity (Ginagawa namin ito para sa kapakanan ng mga manggagawa at uumpisahan natin sa 30% operating capacity),” ani Lopez.

Kung papayagan ng pangulo, maaari nang mag-dine-in sa mga kainan sa Metro Manila, Pangasinan, Zamboanga City, Davao City at ilang mga lungsod at lalawigan sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Central Visayas.

Ang mga kainan naman sa mga lugar na may modified GCQ ay pinapayagang magbukas sa 50% na kapasidad.

Ipinag-uutos ng IATF ang pagkakaroon ng social distancing sa pagitan ng mga mesa nang 1.5 metro. Dapat ding maglagay ng mga acrylic o clear barriers sa pagitan ng mga customers. Mandatoryo rin ang pagsusuot ng face mask at pag-disinfect.

Noong Marso, ipinahinto ang dine-in sa mga restawran at fast food dahil sa pagpapatupad ng lockdown. Ang muling pagpapahintulot ng dine-in ay makatutulong upang muling makabangon ang mga manggagawa at mga negosyong naparalisa ng isa sa mga pinakamahabang lockdown sa buong mundo.  

LATEST

LATEST

TRENDING