Babae, namatay habang naghihintay nang 5 araw ng bus para makauwi ng probinsya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula kay: Nathanael Alviso

Hindi na nakauwi pa ng Calabanga, Camarines Sur ang isang 33-anyos na babaeng si Michelle Silvertino matapos itong mawalan ng malay sa isang footbridge sa Lungsod ng Pasay at kinalauna’y namatay nang isugod sa opsital.

Ayon sa ulat ng Pasay City Police, nakita si Silvertino na nahihirapang huminga at nilalagnat. Matapos iulat sa pulis ang kanyang kalagayan, wala na itong malay nang madatnan ng mga awtoridad.

Dinala nila ito sa ospital subalit huli na ang lahat para kay Silvertino. Probable Covid-19 case ang itinuturong dahilan ng kanyang pagkamatay matapos itong isailalim sa swab test.

Matagal na raw may sakit sa baga si Silvertino, ayon sa kaibigang si Nathanael Alviso.

Aniya, “By 5 a.m. ng Friday, unconscious na siya. Dinala siya sa Pasay City General Hospital and she was pronounced dead on arrival. The suspicion is baka daw COVID pero in my knowledge, alam kong may sakit siya sa baga kaya nga na-pending ‘yung process niya pagpa-abroad”. 

Agad namang inilibing sa sementeryo sa Pasay City ang bangkay ni Silvertino.

Nagtatrabaho bilang kasambahay si Silvertino sa Antipolo at nagbalak itong umuwi ng lalawigan. Inihatid aniya ito ng kanyang amo sa Cubao terminal station noong Mayo 31. Subalit, dahil sa kawalan ng biyahe, napilitang maglakad si Silvertino papuntang Pasay bitbit ang kanyang mga bagahe.

“Pagdating sa Pasay, wala ring bus na biyaheng pa-Bicol, so naghintay siya doon nang five days. Almost five days,” kuwento ni Alviso.

Sa pananatili nito sa footbridge, walang mensaheng ipina-abot si Silvertino sa kanyang mga kamag-anak o kaibigan. Nalaman na lang ang kanyang kuwento nang may nag-interview sa kanyang taga-media matapos siyang mag-viral sa social media.

Hunyo 6 sana ang itinakdang araw ng rapid testing ni Silvertino matapos itong i-apply para sa Balik Probinsya program.

LATEST

LATEST

TRENDING