Transport group: 90% ng mga tsuper, nagugutom at namamatay

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

90% ng mga drayber at operator ng jeepney ang namamatay at nagugutom dahil sa kawalan ng kita bunsod ng Covid-19 pandemic, ayon sa pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na si Zeny Maranan.

Aniya, “Sa 100 porsyento, natitiyak ko sa inyo, 90 porsyento nagugutom na, mamamatay na”.

Kalbaryo ang idinudulot sa mga drayber at operator ng jeepney dahil sa pagbabawal ng pamahalaan na magbalik-pasada ang mga ito. Ito ay dahil karamihan sa kanila ay walang ibang mapagkukunan ng kita.

Ibinunyag din ni Maranan na marami sa kanila ang nag-iisip na gumawa ng krimen para lamang makakuha ng pangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.

“Gusto ko po aminin sa inyo na may mga nag-iisip na ng ‘di maganda. Pero sa kasalukuyan, lalo na sa FEJODAP, kilala niyo naman kami, hindi kami mahilig sa mga ganyan na kalakaran,” giit ni Maranan.

Dagdag pa, “Pero minsan kapag naiisip mong nagugutom ka na, mamamatay ka na, ano gagawin namin?”

Tila lasong dahan-dahan na pumapatay sa sektor ng jeepney ang pagbabawal ng pamahalaan na magbalik-pasada ang mga ito, ayon kay Maranan.

Wika niya, “Subukan nila. Sila nga ang pumalit sa’min, sila ang magmaneho, sila ang mag-operate ng maliliit na sasakyan? Matapos ganito ang mangyayari sa kanila, at kung ano ang sasabihin nila sa gobyerno?” she said.

Nangako rin ang pinuno ng FEJODAP na susundin nila ang mga panuntunan ng pamahalaan sa Covid-19 tulad ng physical distancing, pagsusuot ng facemasks, at paglalagay ng harang sa pagitan ng mga pasahero kung papayagan silang magbalik-operasyon

“Ayaw rin namin na mga tsuper namin ay mamatay. Ayaw rin namin na mahawa kami sa mga pasahero. O baka kami ang may sakit at mahawaan namin mga pasahero namin,” ani Maranan.

Anim na tsuper, kabilang ang isang 72-anyos na lolo, ang inaresto sa Caloocan matapos magsagawa ng protesta  tungkol sa problemang kinakaharap nila.

Ayon naman kay Department of Transportation (DOTR) road sector consultant Alberto Suansing, papayagan ding pumasada ang mga jeepney sa hinaharap.

“Papayagan naman. Kaya lang inaayos pa natin ano. For example, ‘yung mga ruta na pwede takbuhan ‘tas ilang jeep yung tatakbo sa ruta na ‘yon,” paglilinaw nito.

Nakatakdang matatapos ang pagsasapinal ng mga ruta sa Hunyo 22.

LATEST