Kamaynilaan, posibleng manatili pa rin sa GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Eloisa Lopez

Posibleng panatiliin ng pamahalaan ang pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa buong Kalakhang Maynila kung magpapatuloy ang pagtaas ng Covid-19 cases, ayon sa Malacañang.

Maaari ring magpatupad ng mga paghihigpit ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) depende sa case doubling rate at healthcare capacity, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya “Lahat ng desisyon ng IATF, whether or not to graduate to the next regime, in the case of Metro Manila to MGCQ (modified general community quarantine), is always dependent on data.”

Nakapagtala ang Metro Manila, na siyang sentro ng pandemiya sa bansa, ng 114  na “fresh” cases noong Hunyo 8, batay sa datos ng Department of Health (DOH). Ang “fresh” cases ay ang mga kaso ng Covid-19 na na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

Samantala, 106 “late” cases naman ang naitala o mga test results na na-validate sa nakalipas na apat na araw o higit pa.

Kung magpapatuloy ang pagtaas ng mga kaso, hindi na muna papagaanin ang mga quarantine protocols, ani Roque.

“Kapag ganyan pong tumataas, well, syempre po, may posibilidad po na hindi po tayo mag-graduate sa next phase,” wika nito.

Dagdag pa, “If the trend continues, either magpapatuloy siguro ang GCQ or baka babalik sa modified ECQ. All classifications are flexible depending on the data”.

Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa IATF-EID sa Hunyo 11 sa Lungsod ng Davao upang talakayin ang magiging kapalaran ng bansa mula Hunyo 16 hanggang 30.

Umabot na sa 22,474 ang mga nagpopositibo sa nakamamatay na sakit base sa datos noong Hunyo 8. Sa bilang na ito, 1,011 na ang nasawi habang 4,637 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST