DOH: Sapat ang suplay ng bakuna sa bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire

Bagama’t sinabi ng Department of Health (DOH) na patuloy nilang inaabot ang mga magulang ng mga anak na hindi pa nababakunahan, tiniyak ng ahensya na may sapat na bakuna sa bansa.

Even before the pandemic started (Bago pa man mag-umpisa ang pandemiya), meron na tayong nai-procure na mga bakuna para dito sa ating expanded program on immunization. Iyon ang ating ginagamit sa ngayon,” paliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Iginiit ni Vergeire ang mga suliraning kinaharap sa ilang bahagi ng bansa habang nasa lockdown. Ayon sa kanya, mas naging mahirap ang pagbabagi ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan dahil sa lockdown.

Aniya, “Maraming mga nanay, natatakot silang pumunta sa health centers para magpabakuna ng kanilang anak.

“Nung naka-lockdown tayo, talagang hindi makakalusot yung ating mga nanay para dalhin yung mga bata sa health center,” dagdag pa ni Vergeire.

Nasolusyunan ito di umano sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng mga health workers o di kaya ay pagtitindig ng ilang temporaryong health posts sa mga komunidad.

Sakaling magkaproblema ang bansa sa suplay ng bakuna, madali naman aniya itong malulutas sa tulong ng United Nations Children’s Fund (UNICEF). Tumutulong daw ito sa bansa sa pagbili ng mga bakuna sa mababang halaga.

Noong Abril, nagbabala ang UNICEF na maaaring umabot sa 2 milyong batang Pilipino ang hindi mababakunahan sa oras dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic. Binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagbabakuna, lalo na’t nagkaroon ng measles outbreak at panunumbalik ng polio sa bansa.

Pinaalalahanan naman Vergeire ang publiko sa importansya ng bakuna, sapagkat posible pa rin silang mahawa sa iba pang sakit habang nagpapatuloy ang pandemiya.

LATEST

LATEST

TRENDING