Nakarating na sa Palasyo ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill upang mapirmahan ng pangulo para maging ganap na batas.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na natanggap na ng Presidential Legislative Liaison Office at ng Office of the President ang kopya ng bill na ipinadala sa email.
Bagama’t ilang mga mambabatas ang nagnais na baguhin ang kanilang mga boto at authorship sa panukalang batas, pinirmahan na ni House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate President Vicente Sotto III ang pinal na bersyon ng bill.
“A bill passed by both Houses of Congress already enrolled and yet some congressmen would like to hold it? It has never been done (Hindi pa nangyayari ang pagpigil ng ilang mambabatas upang maipasa ang isang ‘enrolled’ bill),” giit ni Sotto.
Sa ilalim ng House rules, maaari lamang i-rekonsidera ang isang bill habang nasa sesyon sa Kongreso. Nagwakas ang sesyon ng Kamara noong Hunyo 5.
Ang Anti-Terror Bill, na sinertipikahang “urgent” ni Duterte, ay naglalayong palitan ang Human Security Act of 2007 sa pamamagitan ng pag-awtorisa sa mas malawak na pagsasagawa ng surveillance ng mga awtoridad.
Bagama’t inaasahang lalagdaan ng pangulo ang panukala, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sasailalim muna ito sa “final review” bago pagpasyahan kung dapat itong pirmahan o hindi.
Inaasahan naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na manghihingi ng komento ang Palasyo sa ahensya na posibleng maibigay sa loob ng 15 araw.
“We shall focus on issues of constitutionality… I believe that 15 days will be good enough [to comment on the bill.] The President has 30 days to act on the bill (Mga isyu sa konstitusyonalidad ang ating pagtutuunan ng pansin. Sapat na siguro ang 15 na araw sa pagbibigay ng komento sa bill. May 30 na araw ang pangulo upang aksyunan ang bill,” ani Guevarra.
Sakaling maisabatas, iginiit ng DOJ, na sa pagbabalangkas nito ng implementing rules and regulations (IRR), magpapatuloy ito sa pag-aaral ng iba’t-ibang posibleng mangyari upang masiguro na hindi mamamali ng aplikasyon ang batas o hindi ito gagamitin bilang sandata ng pag-abuso.
Puwedeng pirmahan, tanggihan, o hayaan na lang na maging batas ang Anti-Terror Bill na walang pirma sa loob ng 30 na araw. Kung tatanggihan ng pangulo, ibabalik ang bill sa Kongreso at kinakailangan ang 2/3 na boto ng mga mambabatas upang maisabatas ito sa kabila ng pagtanggi ni Duterte.
Pinabulaanan din ni Roque ang mga paratang na minadali ang pagpasa ng bill dahil nakabinbin na aniya ito sa Kamara simula pa noong 2018.
Kapag isinabatas ang panukala, ang mga sinusupetsahang terorista ay puwedeng ma-detain ng walang warrant of arrest nang hanggang 14 na araw at posibleng pahabain pa ng 10 pang araw. Ang sino mang magtatangkang gumawa ng terorismo o manghikayat ng ibang tao na gumawa ng terorismo ay makukulong naman ng 12 na taon.
Samantala, sinabi naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ang probisyong nagpapahintulot sa Anti-Terrorism Council na awtorisahan ang pag-aresto ng walang warrant ay labag sa Saligang Batas, dahil inaagawan nito aniya ng kapangyarihan ang hudikatura. Ipinapanawagan ng organisasyon ang pagbabasura sa naturang panukala.
Ayon naman kay Retired Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang konstitusyonalidad ng bill ay maaari agad kuwestyunin sa Korte Supreme kung maisasabatas ito.
Nakahanda na di umanong maghain ng petisyon sa Mataas na Hukuman sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at mga kaalyado nito dahil sa kapahamakang idinudulot ng ipinapanukalang batas kontra sa mga progresibong grupo, na kadalasan ay nagiging biktima ng “red-tagging” mula sa awtoridad.