Inilarawan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang mga tumutuligsa sa ipinapanukalang Anti-Terrorism bill bilang “cerebrally challenged” dahil sa kawalan ng pag-unawa aniya sa tunay na diwa ng batas.
Sa isang pahayag, dinipensahan ni Panelo ang panukalang batas dahil kinakailangan aniya ng estado na magkaroon ng epektibong batas na panlaban sa terorismo.
“The critique against the anti-terrorism bill is not only biased, lacking in intellectual insight and oblivious of the monstrosity and the grave infinitesimal consequences that terrorism has brought to the world (Hindi nauunawaan ng mga tumutuligsa sa anti-terrorism bill ang perwisyong idinudulot ng terorismo sa mundo),” ani Panelo.
Iginiit nitong nag-uudyok lamang ng walang basehang takot sa publiko ang mga kritiko ng panukalang batas dahil sa kanilang pagtutol dito.
Itinanggi niyang gagamitin ito sa mga kritiko ng pamahalaan dahil hindi naman di umano kasama sa terorismo ang pag-protesta o pagpapahayag ng opinyon laban sa pamahalaan.
Aniya, “Industrial or mass action like stoppage of work, and other similar exercises of civil and political rights, like rally or demonstration, not intended to cause death or serious physical harm to a person, or endanger a person’s life, or create a serious risk to public safety, do not fall within the ambit of the anti-terrorism act (Ang pag-strike, at iba pang mga pagprotesta na hindi magdudulot ng kamatayan, injury, o banta sa seguridad ng tao ay hindi saklaw ng anti-terrorism act)”.
Ipinagtanggol din ni Panelo ang probisyong nagpapahintulot nang hanggang sa 24 araw na pagkaka-detain ng mga akusado, kumpara sa kasalukuyang batas na hanggang tatlong araw lamang bago masampahan ng kaso.
“The extended detention is necessary by reason of the potential grave risk that a suspected terrorist is freed immediately prior to his being judicially charged. He could immediately join his fellow terrorists and execute their terror attacks or alert them of the impending moves of the government forces to neutralize them (Ang mas matagal na detention ay tama lamang upang mapigilan ang sinususpetsahang terorista na pumunta kaagad sa mga kasamahan nito at ituloy ang paghahasik ng terorismo at ibunyag sa kanila ang mga plano ng pamahalaan para patumbahin sila) ” wika nito.
Inulit din ni Panelo bilang pagbibigay diin, ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na mas maikli ang panahon ng detention sa ipinapanukalang batas kung ikukumpara sa kaparehong batas ng ibang mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya tulad ng Thailand (30 araw), Malaysia (Dalawang taon), Singapore (720 araw), at Indonesia (120 araw).
Ang diskresyon naman sa pagpapasya kung papatagalin ang pagdedetain sa suspek ay tinanggal mula sa pulis o militar na nagsagawa ng pag-aresto.
Pinuna rin ang pribisyon tungkol sa Anti-Terrorism Council (ATC) dahil sa aniyang walang sapat na training at kakayanan na maghusga sa mga sinususpetsahang terorista. Walang daw itong basehan ayon kay Panelo dahil mga abogado ang uupo sa ATC.
Kabilang sa ATC ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., at Justice Secretary Menardo Guevara. Sinabi ni Panelo na ibabase ng ATC ang paghusga sa inarestong suspek kung dapat ba itong sampahan ng kaso ayon sa nakalap na ebidensiya.
Tungkol naman sa pangamba sa pagsasagawa ng surveillance at recording ng mga awtoridad sa pampribadong komunikasyon, sinabi ng Chief Presidential Legal Counsel na kinakailangan muna ang utos mula sa Court of Appeals bago isagawa ito.
“There is therefore a judicial determination of a probable cause not only by a Regional Trial Court Judge but by a special division of the Court of Appeals consisting of three Justices (Hindi lamang RTC ang magpapasya para sa probable cause kundi pati ang isang espesyal na dibisyon ng Court of Appeals na kinabibilangan ng tatlong hukom),” pagbibigay linaw nito.
Ipinaliwanag naman ni Panelo na kinakailangang ipagbigay-alam sa the Commission on Human Rights (CHR) ang iba’t-ibang kaganapan tungkol sa pag-aresto sa suspek.
Sinabi rin nitong maaaring maghain din ang suspek ng extra-legal remedies tulad ng writ of habeas corpus at writ of amparo kung hindi ligal ang pag-aresto sa kanya.
Ang writ of habeas corpus ay inihahain upang mapalaya ang isang taong iligal na inaresto habang ang writ of amparo naman ay inihahain ng sino mang pinagbabantaan ang kanyang buhay, kalayaan, at seguridad.
Sa ilalim ng anti-terrorism bill, makukulong ng 12 taon ang sino mang aanib sa mga teroristang grupo. Hanggang 24 araw ang pinapayagang panahon ng detention sa sino mang aarestuhin dahil sa paglabag sa batas.
Maaari ring magsagawa ng 60 araw na surveillenace ang mga pulis, na may 30 araw na extention upang makakalap ng impormasyon kontra sa mga pinaghihinalaang terorista.
Sa ngayon, pirma na lang ng pangulo ang inaantay bago maging ganap na batas ang Anti-Terror Bill.