Lacson: “Yes” votes sa Anti-Terror Bill, hindi na puwedeng bawiin

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Lisa Marie David

Imposible nang mabawi ng ilang mambabatas ang kanilang pagboto ng “yes” sa kontrobersyal na ipinapanukalang Anti-Terror Bill, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.

Aniya, “They can (withdraw votes) sa media, pero sa Congress, they cannot (hindi na)”.

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inaantay upang ganap na maisabatas na ang Anti-Terror Bill. Sinertipikahan ni Duterte bilang “urgent” ang panukalang batas upang mas mapabilis ang pagpasa nito sa Kamara.

Subalit, nagbago ang tindig ng ilang mga mambabatas kabilang na sina Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon at Albay Rep. Joey Salceda, matapos umani ng batikos mula sa publiko ang nasabing panukalang batas.

Sa panuntunan ng Kamara, ang rekonsiderasyon ng bill ay maaari lamang gawin habang nasa sesyon. Natapos ang sesyon ng Kongreso noong Hunyo 5.

Gayunpaman, iginiit ng progresibong grupo na Bayan Muna na ilalaban nila ang pagbabasura sa panukalang batas dahil hindi aniya ito sumailalim sa deliberasyon sa plenaryo. Sinabi naman ng  Malacañang na bahala na ang mga mambabatas na magpasya tungkol sa pagbawi ng mga boto.

“Nasa kanila po ‘yan. For as long as the bill has been clearly approved, then we expect the bill to be transmitted to Malacañang (Basta’t aprubado na ang bill, inaasahan namin itong ipapadala sa Palasyo). Pero sa ngayon po, wala pa pong natatanggap ang Malacañang,” wika Presidential Spokesperson Harry Roque.

Magsasagawa naman ng sariling pag-review ang Department of Justice (DOJ) tungkol sa konstitusyonalidad ng Anti-Terror Bill.

Umaalingawngaw ang panawagan ng mga netizens na ibasura ang naturang bill dahil sa hindi malinaw nitong mga probisyon na posibleng magdulot aniya ng mga paglabag sa karapatang pantao. Nangamba ang ilan na baka gamitin ito bilang armas ng pamahalaan upang patahimikin ang mga kritiko ng gobyerno.

Ayon naman kay Lacson, bagama’t mas mataas ang sentensiya ng panukalang batas kung ikukumpara sa Human Security Act of 2007, makapagbibigay naman ito ng sapat na proteksyon para sa karapatan ng mga mamamayan.

Hindi aniya makalulusot ang mga alagad ng batas na mang-aabuso.

Pag tinorture during the period of detention (sa panahon ng detention), they will have to be answerable or liable for violating the anti-torture act (mananagot sila sa anti-torture act). Kung pinatay, they will have to face murder charges,” ani Lacson.

LATEST

LATEST

TRENDING