Muling binanatan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at sinabing magbitiw na ito sa puwesto, matapos madismaya sa kalihim dahil sa di umanong palpak na pamamalakad nito bilang pinuno ng DOH.
Aniya, “I don’t see him to be fit and qualified or competent enough to continuously head the department (Hindi ko nakikitang kwalipikado o may kakayanan siyang pamunuan ang departamento).”
“I think he should just go for the sake of the victims of the pandemic, for the sake of the department (Sa palagay ko, umalis na lang siya para sa kapakanan ng mga biktima at ng departamento)” dagdag pa nito.
Nakasaad sa Bayanihan to Heal As One Act, na isinabatas noong Marso, na bibigyan ng ₱100,000 na benepisyo ang mga healthcare workers na malubhang tinamaan ng Covid-19. ₱1 milyon naman ang ipapamahagi sa mga pamilya ng healthcare workers na nasawi.
Tatlong buwan simula noong ipinasa ang Bayanihan Law, wala pa ring naibibigay na kompensasyon sa kahit sino mang health worker na kwalipikadong tumanggap alinsunod sa batas.
Kawalan ng implementing rules and regulations (IRR) ang itinuturong dahilan ng ahensya kung bakit hindi pa rin naipapamahagi ang naturang mga benepisyo.
Dahil dito, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang hanggang Hunyo 9 ang mga opisyal upang maisakatuparan ang malinaw na nakasaad sa batas.
Samantala, kamakailan ay sinabi ng DOH na nakapagbigay na sila ng benepisyong pinansyal sa pamilya ng 30 health workers.
Naunang naharap ang DOH sa pambabatikos dahil sa isyung overpricing aniya ng mga Covid-19 testing machines kabilang na ang mahal na package rates ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Binabaan naman ito ng PhilHealth kinalaunan upang maging mas magaan sa bulsa.
Noong Abril, naghain ang karamihan ng mga senador ng resolusyon upang ipanawagan ang pagbibitiw ni Duque bilang kalihim ng DOH dahil sa di umano’y pagkukulang nito sa pagresponde sa Covid-19 pandemic bilang kalihim ng DOH.
Subalit, hindi pa rin naglalabas ng pahayag si Duque tungkol sa mga pahayag ni Lacson. Nananatiling buo naman ang tiwala ng pangulo kay Duque.