DICT, magbibigay ng libreng WiFi sa mga paaralan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nakikipag-ugnayan ang Department of Information and Communications Technology (DICT)  sa mga ahensyang pang-edukasyon upang maisakatuparan ang pagbibigay ng libreng WiFi sa mga eskwelahan sa bansa dahil sa pagtahak sa panibagong sistema ng edukasyon bunsod ng new normal.

Ibinunyag ito sa ika-11 na ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara na inilabas noong Hunyo 8.

Inatasan ng DICT ang mga regional offices nito na makipag-koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para sa agarang instalasyon at deployment ng Free WiFi Internet Access Service.

Bukod sa mga ahensya ng pamahalaan, makikipag-ugnayan din ang  DICT sa mga state universities at colleges; at iba pang educational institutions.

Ang paglalagay ng libreng WiFi ay makatutulong sa mga eskwelahan sa kanilang pagtransisyon sa online o digital learning, ayon sa ulat ni Duterte.

Ipinagbawal ang pisikal na pagdaraos ng klase upang mapigilan ang hawaan sa Covid-19.

Kabilang din ang telecommunication companies sa pakikipag-usap sa mga ahensya at eskwelahan hinggil sa paghanap ng ibang paraan o alternatibo sa pisikal na pagdaraos ng klase.

Subalit, ilang mga mambabatas at grupo ang nagpahayag ng agam-agam sa planong pag-implementa ng online learning bilang alternatibo dahil sa kawalan ng internet sa buong kapuluan.

Naunang sinabi ng DepEd na hindi lamang online platform ang bubuo sa blended learning na sistema kundi pati ang printed modules, radyo, at telebisyon.

Nakatakdang mag-umpisa ang pasukan sa basic education level sa Agosto 24.

Ang mga kolehiyo at pamantasan naman ay maaaring mag-umpisa ng kani-kanilang mga semestre depende sa kanilang sistema ng pagtuturo, ani CHED.

LATEST

LATEST

TRENDING