Pag-uulat sa Kamara, ipagpapatuloy ni Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinahayag ng Malacañang na ipagpapatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsusumite ng ulat sa Kamara tungkol sa paggamit nito sa iginawad sa kanyang emergency powers upang matugunan ang Covid-19 pandemic. Ito ay alinsunod sa nakasaad sa Bayanihan to Heal As One Act kung saan inaatasan ang pangulo na mag-ulat sa Kongreso kung paano nito ginamit ang ibinigay na emergency powers sa kanya.

Inilabas ang pahayag sa kabila ng pagbanggit ng ilang mga senador na tapos na at wala nang bisa Bayanihan Law.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipagpapatuloy ng Palasyo ang pag-uulat sa Kongreso hanggang Hunyo 25, o eksaktong tatlong buwan mula noong ipinasa ang Bayanihan Law.

Iginiit nitong magtatapos ang Bayanihan Law tatlong buwan matapos itong isabatas alinsunod sa intensyon ng mga nagbalangkas nito.

Ito ay taliwas sa naging posisyon ng ilang mga senador sa Senate session noong Hunyo 4 kung saan pinaniniwalaan nilang nagwakas na ang Bayanihan Law batay sa Konstitusyon.

Nakasaad sa Artikulo VI, Seksyon 23(2) ng Saligang Batas na “Sa mga panahon ng digma o iba pang pambansang kagipitan, ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring mag-awtorisa sa Pangulo, sa isang natatakdaang panahon at sa ilalim ng mga paghihigpit na maaaring ilagda nito, na gumamit ng mga kapangyarihang kinakailangan at naaangkop upang isagawa ang idiniklarang pambansang patakaran”. Sa madaling sabi, wala nang bisa ang ibinigay na emergency powers sa pangulo sa pagtatapos ng sesyon ng Kongreso.

Nagtapos ang sesyon ng Kongreso noong Hunyo 5 at hindi na-extend ang bisa ng emergency powers ni Duterte sapagkat hindi nakapagpasa ng batas para dito.

Inantay aniya ng Senado na sertipikahang “urgent” ng Palasyo ang Bayanihan to Recover as One Act subalit hindi ito tinuloy ng Malacañang ayon kay Roque.

Gayunpaman, inaasahan pa rin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto ang pagsumite ng ika-11 na ulat ng pangulo hinggil sa emergency powers nito.

 “I’m sure they will submit. Congress was not in session when they started submitting them (Tiyak akong magsusumite sila. Wala na sa sesyon ang Kongreso noong nag-umpisa silang magsumite),” ani Sotto.

Ilan sa mga kapangyarihang ibinigay kay Duterte sa ilalim ng Bayanihan Law ay ang makapaglipat ng pondo mula sa isang ahensya patungo sa isa pang ahensya nang walang pahintulot ng Kamara, upang mas mapabilis ang pagpondo ng mga proyekto kontra Covid-19.

Nakasaad din sa batas ang pagbibigay ng ayudang pinansyal mula sa pamahalaan sa halagang ₱5,000 hanggang ₱8,000 para sa 18 milyong mahihirap na pamilya sa loob ng dalawang buwan.

Ayon din sa batas, makatatanggap ng benepisyong pinansyal ang mga health workers na tinamaan ng Covid-19. Makatatanggap din ng benepisyo ang pamilya ng mga nasawing health worker dahil sa nakamamatay na sakit.

LATEST

LATEST

TRENDING