Nakahanda na ang hindi bababa sa 14 na local government units (LGUs) na sumasailalim sa general community quarantine (GCQ) na tumanggap ng commercial domestic flights mula sa ibang GCQ areas.
“Mayroon na tayong 14 na lokal na pamahalaan na handa na rin sila na tanggapin ang mga domestic flights galing ho sa iba’t ibang lugar, GCQ to GCQ,” ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Giovanni Lopez.
Subalit, hindi nito binunyag ang pagkakakilanlan ng mga naturang LGUs.
Nagbalik-operasyon ang mga commercial domestic flights mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hunyo 5.
Naunang sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na kailangang suportahan ng mga LGUs ang pagbabalik ng mga domestic commercial flights sa kani-kanilang mga nasassakupan.
Kasalukuyang nasa GCQ ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Pangasinan, Albay, Cebu City, Mandaue City, at Davao City, habang nasa MGCQ naman ang natitirang bahagi ng bansa.
Sa ilalim ng mga patakaran, suspendido ang mga commercial air travels sa mga lugar na nasa enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ. Walang lugar sa bansa sa kasalukuyan ang nasa ECQ o MECQ.
Igniit ni Lopez na maraming Pilipino ang nagdadalawang-isip na bumiyahe dahil sa pangambang baka mahawa sila sa Covid-19.
“Ngayon nga po may mga agam-agam ang ating mga kababayan para bumiyahe. Sa tingin ho natin, aabot pa ito sa mga last quarter of this year,” ani Lopez.
Gayunpaman, nananatiling positibo ang kanyang pananaw na makakabangong muli ang sektor ng transportasyon sa bansa sa dulong bahagi ng taon.
Wika niya, “Hopefully by the last quarter of this year baka unti-unti na ho silang makabangon sa tulong ho ng gobyerno.”