Pamahalaan, hindi ipatutupad nang buo ang UN report tungkol sa estado ng karapatang pantao sa bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokersperson Harry Roque

Hindi ipatutupad nang buo ng gobyerno ang mga naging rekomendasyon ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (UN-OHCHR) sa ulat nito tungkol sa estado ng karapatang pantao sa bansa, ayon sa Malacañang.

The Philippine Government notes the recommendations made by the OHCHR, but cannot commit to their full implementation given the faulty conclusions on which they were premised (Tinatandaan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga naging rekomendasyon ng OHCHR, subalit hindi ito maipatutupad nang buo dahil sa mga mali nitong konklusyon),” pahayag ni Presidential Spokersperson Harry Roque.

Dagdag pa nito, “We firmly reject these conclusions (Mariin naming tinututulan ang mga naging konklusyon)”.

Nakasaad sa naturang ulat na nagkaroon ng seryosong paglabag sa mga karapatang pantao ang administrasyong Duterte na pinaigiting ng mga mapaminsalang retorika mula sa ilang matataas na opisyal.

Napag-alaman din sa ulat na walang naging pananagutan sa libu-libong namatay dahil sa kampanya kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Laganap din ang pagbabanta ng mga awtoridad sa mga progresibong grupo, mga aktibista, at mga mamamahayag sa ngalan aniya ng pambansang seguridad. Ito ay nagresulta sa paglilimita sa karapatang makapagpahayag ng kritisismo laban sa pamahalaan.

Isa pang eksplosibong impormasyong inilathala sa ulat ay ang pagtatanim ng mga pulis ng ebidensiya tuwing magsasagawa ito ng operasyon kontra iligal na droga. Ito ang paraan di umano ng kapulisan upang mapagtibay ang kanilang naratibong “nanlaban” ang mga salarin.

Inirekomenda ng UN human rights office an ayusin ng pamahalaan ang palisiya nito kontra iligal na droga sa pamamagitan ng: pagbasura sa drug watch list; pagtigil sa mga madugong operasyon; paghinto sa mga iligal na pag-aresto at paguklong; at pagwakas sa karahasan laban sa mga drug suspects.

Nanawagan din ito para sa isang malaya, patas, at malinis na imbestigasyon tungkol sa mga paglabag ng karapatang pantao. Iminungkahi rin ang paggawa ng isang sistema kung saan puwedeng maglabas ng datos hinggil sa mga nagaganap na extrajudicial killings (EJK).

Bagama’t may ilang abusadong pulis na napanagot sa batas, marami pa ring mga kaso ang hindi pa nalulutas. Kasong administratibo lamang ang kadalasang isinasampa sa mga pasaway na pulis.

Gayunpaman, iginiit ni Roque na maayos at gumagana ang sistemang ligal sa Pilipinas at may kakayanan itong protektahan ang mga biktima ng pang-aabuso sa ilalim ng administrasyong Duterte.

We maintain that the rule of law is upheld in the Philippines and any offenses committed by law-enforcement or otherwise will be dealt with in accordance with due process (Nananatiling gumagana ang kamay ng batas sa bansa at sisiguraduhin nitong mapaparusahan nang naayon sa ligal na proseso ang sino mang alagad ng batas na gagawa ng mga paglabag),” ani Roque.

Binigyang diin din ng tagapagsalita ng pangulo na iginagalang ng administrasyon ang awtonomiya ng hudikatura.

Ito ay sa kabila ng pagpapatalsik ng mga kaalyadong mahistrado ng pangulo sa dating pinuno ng Korte Supreme na si Maria Lourdes Sereno. Natanngal sa puwesto bilang punong hukom si Sereno sa tulong ni Solicitor General Jose Calida, isa sa mga susing kaalyado ng pangulo.

Sa kasalukuyan, karamihan sa mga nakaupong hukom sa Korte Suprema ay mga appointees ni Duterte.

LATEST

LATEST

TRENDING