Bagama’t naitala ang mataas na unemployment rate sa bansa noong Abril bunsod ng Covid-19 pandemic, nananatiling positibo ang pananaw ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na makakabangong muli ang bansa mula pinsalang hatid ng pandemiya.
Sa isang talumpating ipinahayag sa Pre-Employment Preparation Webinar series ng Far Eastern University Career and Placement Office, iginiit ni Nograles, na co-chair ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang paniniwalang magkakaroon ng mga bagong oportunidad kahit na malubhang naapektuhan ng lockdown ang maraming industriya.
“Some businesses are resilient, remain extremely relevant and are in fact booming despite the prevailing global health crisis (Ang ilang negosyo ay matatag, nananatiling mahalaga, at umuunlad pa nga sa gitna ng krisis pangkalusugan),” pahayag nito.
Dagdag pa, “We all need to be persistent and creative. Know what and where to look for employment in these challenging times. No one is immune from the fallout brought by COVID-19. Everyone in both the public and private sectors is affected, and our government is doing its best to provide social and economic safety nets (Kailangang maging malikhain. Alamin kung saan makakahanap ng trabaho ngayong panahon ng krisis. Parehong apektado ang pampubliko at pampribadong sektor at ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang makapagbigay ng social at economic safety nets)”.
Marami aniyang mga umuusbong na negosyo sa sektor pangkalusugan; online retail at deliveries; at iba pang mga serbisyong online. Dahil sa physical distancing, maaari namang mahirapan ang service sector. Subalit hindi naman di umano maapektuhan ang logistics, health care, at online retail.
“Now is the best time for you, graduating students and new graduates, to prepare and to re-think your ‘game plan’ on how to adapt with the demands of the ‘new normal’ due to the COVID pandemic (Para mga magsisipagtapos, ito ang tamang panahon upang maghanda kung paano makikibagay sa ‘new normal’ dahil sa Covid-19 pandemic),” paghikayat ni Nograles sa mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Nograles na dapat gamitin nang husto ng mga bagong aplikante ang mga makabagong teknolohiya sa paghahanap ng mapapasukan. Inaasahan ng pamahalaan na tataas ang demand sa mga propesyonal na maalam sa information technology, health care, education, logistics at personal assistance services.
Subalit, maaaring manghina naman ang sektor ng transportasyon kung saan may manual labor.
Ipinayo rin ng Cabinet Secretary na mag-volunteer ang mga magsisipagtapos habang naghahanap ng trabaho. Ito raw ay magandang oportunidad upang mahasa ang kagalingan at makahanap ng koneksyong makatutulong sa paghahanap ng trabaho at iba pang mga oportunidad sa hinaharap.
Nagpahayag din ng pananaw si Cabinet Secretary Karlo Nograles na hangga’t wala pang natutuklasang bakuna kontra Covid-19, mananatili ang iba’t-ibang health protocols na ipinatutupad ng IATF-EID sa kahit ano mang antas ng community quarantine.
Sa kasalukuyan, patuloy ang IATF-EID sa paggawa at pagpapatupad ng mga palisya upang tugunan ang kinakaharap na pandemiyang hatid ng Covid-19.
Itinutulak ng task force ang pagpapabilis ng pagbibigay ng serbisyo sa mga kapos-palad na sektor sa pamamagitan ng Philippine Identification System (PhilSys) ID cards kung saan maaari itong gamitin sa digital payment systems.
Sa PhilSys, magkakaroon ng talaan ang pamahalaan ng lahat ng mga kapos-palad na Pilipino. Masisiguro rin nito ang agarang pagbibigay ng ayuda tuwing may sakuna kahit wala nang aplikasyon.
Ipinaliwanag din ni Nograles na kahit ang sektor ng edukasyon ay kinakailangang umayon sa tinatawag na “new normal” sa pamamagitan ng pagtatatag ng sistemang blended o online learning kung saan gagamit ng mga alternatibong pamamaraan ng pagtuturo.
Samantala, hinikayat naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang kabataan at mga lider ng komunidad na pangunahan ang pagpapakalat ng impormasyong ukol sa new normal sa pagtahak ng bansa sa isang panibagong yugto sa katapusan ng pandemiya.
Iginiit din ni Andanar na malaki ang potensyal ng mga kabataan dahil sa pagkakaroon nito ng puso sa paglilingkod at pagseserbisyo.
“You are the molders of the nation’s dreams. You are the mirrors that reflect honor, dignity and comfortable life for every Filipino which the President has constantly spoken of and strives to achieve (Kayo ang huhulma sa mga adhikain ng bansa. Sinasalamin ninyo ang karangalan, dignidad, at komportableng buhay ng bawat Pilipinong inilalarawan ng pangulo),” wika ng PCOO Secretary.