Aabot sa 5,086,600 na mga estudyante sa buong bansa ang nagpa-enroll sa mga pampublikong paaralan sa unang linggo ng enrollment habang inihahanda patungo sa new normal ang sistema ng edukasyon, ayon sa Department of Education (DepEd) .
Kung isasama ang mga enrollees sa mga pampribadong eskwelahan, aabot sa 5,204,949 ang nagpasyang pumasok sa darating na academic year na mag-uumpisa sa Agosto 24, dagdag pa ng DepEd.
Nagpaalala ag ahensya na isagawa muna ang enrollment sa pamamagitan ng text, messaging, social media o iba pang kaparehong pamamaraan upang maiwasan ang hawaan sa Covid-19. Ang mga hindi makatutupad sa mga nasabing paraan ay maaari lamang pumunta sa mga eskwelahan sa huling dalawang linggo ng Hunyo.
Pinapahintulutan din na mag work from home ang mga guro hanggang Hunyo 30, maliban na lamang sa mga inatasan ng regional directors na maging kabahagi ng skeleton workforce na kinakailangan pisikal na pumasok sa mga paaralan.
Inaasahang magpapatupad ng mga alternatibong pamamaraan ng pagtuturo ang mga eskwelahan sapagkat ipinagbabawal pa rin ang pisikal na pagdaraos ng klase sa ngayon. Ito ay upang makaiwas sa banta ng Covid-19 ang mga mag-aaral at guro.