Emergency powers ng pangulo, mananatili bagama’t tapos na ang sesyon ng Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Mananatili aniya ang emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon nito sa Covid-19 pandemic ayon sa Malacañang bagama’t malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na magwawakas ang naturang mga kapangyarihan sa hudyat ng pagtatapos ng sesyon ng Kamara.

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananatili ito hanggang Hunyo 25 alinsundo sa Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act kung saan nakasaad na magtatagal nang tatlong buwan ang mga ibinigay na emergency powers simula noong pagsasabatas nito noong Marso 24.

Subalit, ang naging pahayag ni Roque ay taliwas Artikulo VI, Seksyon 23 ng Konstitusyon kung saan nakasaad na “sa mga panahon ng digma o iba pang pambansang kagipitan”, maaaring gawaran ng Kongreso ang presidente ng karagdagang kapangyarihan at “ang gayong kapangyarihan ay mawawala sa susunod na pagtitindig ng pulong”. Ibig sabihin, magtatapos ito sa pagwawakas ng sesyon ng Kongreso.

Natapos ang unang regular na sesyon ng mga mababatas noong Hunyo 6.

Ayon sa abogadong si Antonio La Viña, dating dekano ng Ateneo School of Government, naniniwala siyang wala nang bisa dapat ang mga probinsyong kriminal ng Bayanihan Law na strikto ang interpretasyon.

Ang tinutukoy ni La Viña ay ang probisyon kung saan maaaring makasuhan o makulong at mga indibidwal o grupo na magpapakalat ng maling impormasyon ukol sa Covid-19.

Ang nasabing probisyon ay ginamit ng mga awtoridad sa unang bahagi ng lockdown upang habulin at hulihin ang mga kritiko ng pamahalaan sa social media.

Inabuso raw ito aniya ng mga awtoridad sa pamamagitan ng pagpigil sa karapatan ng mga taong ipahayag ang kanilang hinanaing laban sa administrasyong Duterte. Itinanggi naman ito ng Department of Justice (DOJ), na pinangangasiwaan ang National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon naman sa opinyon ni DOJ Secretary Menardo Guevarra tungkol sa Bayanihan Law, ang probisyon sa Konstitusyon (Art VI, Sek. 23) ay maaaring marami ang interpretasyon. Kung ganito raw ang sitwasyon, dapat bigyan ng pagpapahalaga ang intensyon at layunin ng batas.

Buo ang paniniwala ng Palasyo na mananatili ang emergency powers ng pangulo. Isa sa mga kapangyarihang ito ang pagpahintulot sa pangulo na ilipat ang pondo ng badyet ng isang ahensya patungo sa ibang ahensya nang walang permiso mula sa Kongreso. Ito ay upang mapabilis ang pagkalap ng pondong gagamitin sa pagresponde kontra Covid-19.

Batay sa datos noong Mayo 29, halos P354 bilyon na ang nailipat upang tugunan ang mga hakbang kontra Covid-19. Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, ipagpapatuloy ng departamento ang pag-reallocate ng pondo hanggang sa pagtatapos ng Bayanihan Law.

Bukod sa budgetary powers, maaari ring diktahan ng pangulo ang operasyon ng mga pampribadong ospital at pasilidad upang mapaigting ang paglaban sa pandemiya. Subalit, hindi pa ito nagagamit dahil tinututulan ito ng mga negosyo.

Humingi naman ang pamahalaan sa Kongreso ng panibagong bill na magpapalawig sa emergency powers ng pangulo nang tatlo pang buwan o hanggang Setyembre 2020. Gayunpaman, hindi ito naipasa bago magtapos ang sesyon ng Kongreso na muling magbabalik sa Hulyo 26 pa.

Hindi pa malinaw kung magpapatawag ng espesyal na sesyon ang pangulo para sa ninanais na panukala.

LATEST

LATEST

TRENDING