Ikinalungkot ng Palasyo ang pagtaas ng unemployment rate sa bansa noong Abril bunsod ng pagsasara ng ilang mga industriya at pagtigil ng mga aktibidad pang-ekonomiya dahil sa Covid-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “This is an obvious effect of the economic shutdown when the entire Luzon area was in an enhanced community quarantine where most businesses were closed and many people were out of work and stayed at home (Ito ay malinaw na resulta ng pagpapatupad ng lockdown sa Luzon kung saan maraming mga negosyo ang nagsara at maraming hindi nakapasok sa kani-kanilang mga trabaho)”.
Umakyat sa 17.7% ang unemployment rate noong Abril 2020, batay sa huling datos mula sa PSA kung saan nangangahulugan itong nasa 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pananalasa ng pandemiya.
Mas malaki rin ang itinaas ng unemployment rate noong Abril sa kasalukuyang taon kung ihahambing noong Abril 2019 na nakapagtala ng 5.1% lamang. Nasa 5.3% naman ang porsyento ng unemployment sa pagbubukas ng taon o noong Enero 2020.
Noong Marso, ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na community quarantine, sa buong Luzon na nagdulot ng pansamantalang pagpapasara ng ilang mga negosyo.
Nagpatupad naman ang pamahalaan ng ilang mga programa upang matulungan ang mga apektadong manggagawa sa kani-kanilang mga gastusin sa panahon ng krisis. Kabilang dito ang Social Amelioration Program; Covid-19 Adjustment Measures Program; Abot-Kamay ang Pagtulong for displaced OFWs; Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers; Financial Subsidy for Rice Farmers; at Small Business Wage Subsidy Program.
Sa muling pagbubukas ng ekonomiya, sinabi ni Roque na bumubuo ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng ilang mga komprehensibong mga palisiya at estratehiya para sa produksyon ng ibat-ibang sektor katulad ng agrikultura at fishery, industriya, services, at turismo. Ito aniya ay makatutulong upang makabangong muli ang ekonomiya patungo sa “new normal”.
Isa ring resiliency program ang inihahain di umano upang matulungan ang mga tao sa panahon ng sakuna at krisis.
“Our nation is composed of resilient and hardworking people and we will stand united to weather this health crisis, and together, we will heal and recover as one (Ang ating bansa ay binubuo ng mga matatag at masisipag na tao at magkaisa tayong titindig upang malagpasan itong krisis pangkalusugan, at sama-sama tayong makakabangon muli bilang isang bansa),” pahayag ni Roque.