Duterte, may agam-agam sa pagpapatupad ng blended learning

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nagdadalawang isip pa si rin Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kahandaan ng bansa sa paglulunsad ng blended learning sa darating na pasukan upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral sa gitna ng Covid-19 pandemic.

Aniya, “Secretary Briones is insisting that there should be an alternative there. And she has a very good program for that (Maganda ang ipinapanukalang alternatibo ni Secretary Briones). Parang teleconferencing. The technology is good. I do not know if we are ready for that (Maganda ang teknolohiya. Hindi ko pa alam kung handa na tayo).”

Noong Mayo 28, ipinahayag ng Malacañang na buo ang tiwala nito sa Department of Education (DepEd) sa muling pagbubukas ng pasukan sa Agosto 24 bagama’t nananatili pa rin ang banta ng Covid-19.

Blended learning ang naiisip na paraan ng ahensya upang tugunan ang pag-aaral ng mga estudyante. Sa blended learning, magsasagawa ng pinaghalong electronic o online na pagtuturo at pisikal na pagdaraos ng klase.

Naunang tiniyak ni Briones sa publiko at sa pangulo na hindi ibabalik ang face-to-face learning habang patuloy ang pananalasa ng nakamamatay na sakit.

Maaari aniyang makakuha ng mga materyal sa pag-aaral ang mga estudyante sa pamamagitan ng mga printouts o di kaya ay mga impormasyon online.

Sa mga wala namang internet, puwede silang maaabot sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.

Gayunpaman, iginiit ni Duterte na kulang ang pondo at kagamitan upang tugunan ang milyun-milyong mag-aaral sa ipinapanukalang palisiya.

Aniya, “But if she (Briones) asks and we can afford it, we will buy it, and she can proceed with her novel idea of how children can continue with their education (Kung may sapat tayong pondo, puwede niyang isakatuparang ang kanyang mga plano para sa edukasyon ng mga bata)”.

Binigyang diin ng pangulo na mas gugustuhin niyang ipagpaliban na muna ang pagbabalik-eskwela hangga’t wala pang bakuna kontra Covid-19.

Noong Mayo 4, inaprubahan naman sa ikahuling pagbasa sa Kamara ang panukalang magpapahintulot sa pangulo na itakda nang lagpas sa Agosto 2020 ang pagbubukas ng klase.

LATEST

LATEST

TRENDING