Inilabas na ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (UN OHCHR) noong Hunyo 4, ang komprehensibong ulat nito tungkol sa malawakang pagpatay na nagaganap sa bansa sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa ulat, ang kamay na bakal na pamamalalakad ng administrasyong Duterte upang sugpuin ang mga banta sa seguridad ng bansa ay nagdulot ng mga pag-abuso sa karapatang pantao. Ang nasabing pang-aabuso ay napaigting din aniya ng mga mapaminsalang retorika ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Napag-alaman din sa ulat na nagsasagawa ng pagtatanim ng ebidensya ang pulis upang suportahan ang kanilang depensang “nanlaban” di umano ang mga napapaslang na mga drug suspects.
“The UN Office of the High Commissioner for Human Rights (UN OHCHR) found that the police repeatedly recovered guns bearing the same serial numbers from different victims in different locations (Napag-alaman ng UN-OHCHR na paulit-ulit na kinakamkam ng mga pulis ang mga baril na may parehong serial number sa mga biktima sa iba’t-ibang lokasyon),” payahag ng ulat.
Nabuo ang ulat alinsunod sa resolusyong inilabas ng UN Human Rights Council noong Hulyo 2019, kung saan inatasan si UN rights chief Michelle Bachelet na isulat at ipresenta ang ulat sa ika-44 na sesyon ng UNHRC ngayong buwan.
Simula noong naupo si Pangulong Duterte sa puwesto noong 2016, ikinamatay ng di bababa sa 6,000 kataong pinaghihinalaang drug suspects ang pagpapatupad ng kanyang war on drugs.
Subalit, iginiit ng ilang human rights groups na tinatayang nasa mahigit 20,000 ang mga nasawi kasama na ang mga biktima ng vigilante-style killings.
Sa ilalim ng UNHRC resolution noong Hulyo 2019, ipinanawagan nito sa gobyerno ng Pilipinas, kasama ang iba’t-ibang grupo, na magpatupad ng mga hakbang kontra sa hindi makatarungang pamamatay at bigyan ng hustisya ang mga inosenteng biktima ng war on drugs.
Kasalukuyang nagsasagawa ng “preliminary examination” ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court. Noong Disyembre 2019, sinabi ni ICC Prosecutor Fatour Bensouda na ang susunod nilang hakbang ay magaganap ngayong taon.
Basahin ang buong ulat ng UN OHCHR na pinamagatang “Report of the United Nations High Commissioner for HumanRights on the situation of human rights in the Philippines“: