Habang patuloy na lumulobo ang bilang ng mga tutol sa panukalang Anti-Terrorism Bill kasama na ang Amerikanong pop star na si Taylor Swift, isasailalim na ang nasabing bill sa huling pagsusuri o “final review” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos makiusap ang pangulo sa Kamara na pabilisin ang pagpasa sa bill, na kinalaunan ay sinertipikahang “urgent”, sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
“That is still subject to a final review by the President to ensure that it is compliant with our Constitution, (Sasailalim sa huling pagsusuri ng pangulo ang panukala upang matiyak na hindi ito labag sa Saligang Batas),” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Noong Hunyo 3, naipasa sa ikahuling pagbasa ang nasabing bill. Isang bersyon naman sa Senado ang naipasa noong unang bahagi ng taon.
Dahil magkapareho ang bill ng Mababang Kapulungan at Senado, puwede na itong idiretso sa Malacañang para pirmahan ng pangulo at maging ganap na batas.
Pinuna ng mga kritiko ang bill dahil nilalabag aniya nito ang mga karapatang pantao dahil sa hindi malinaw nitong depenisyon ng “terorismo”.
Kung maisasabatas, mabibigyan ng kapangyarihan ang pamahalaan upang i-wiretap ang mga salarin, mag-aresto nang walang warrant, at ikulong nang walang kaso ang mga akusado nang hanggang 14 na araw.
Noong Hunyo 4 ng hapon, naging top trending topic sa Twitter ang hashtag na #JunkTerrorBillNow na ipanapawagan ang pagbabasura sa naturang panukalang batas.
Ilang grupo rin ang naglunsad ng signature campaigns upang kumalap ng suporta sa pagtutol sa Anti-Terror Bill.