Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagbibigay ng ayudang pinansyal sa mga tsuper para sa buwan ng Hunyo dahil ipinagbabawal pa rin ang pagbalik-pasada ng mga ito, ayon sa Malcañang.
“Pinag-aaralan na po bigyan ng pangatlong buwang ayuda ang mga jeepney drivers po na nawalan ng hanapbuhay po dahil hindi pa po pinapayagan na bumiyahe ang ating mga jeepney,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque
Dagdag pa, “Ito po ay manggagaling pa rin sa Bayanihan Act.”
Naunang iniulat ng grupong Piston na may 500,000 jeepney drivers at 200,000 small jeepney operators aniya ang nawalan ng kita bunsod ng Covid-19 pandemic.
Ang mga drayber ng jeep na nawalan ng kita ay makatatanggap ng halaga mula P5,000 hanggang P8,000 bilang ayuda galing sa gobyerno.
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapagbigay na ito ng ayudang pinansyal sa tinatayang nasa 36,200 jeepney drivers na nagtigil-pasada sa pagpapatupad ng lockdown.
Hanggang Hunyo 21, limitado pa rin ang operasyon ng pampublikong transportasyon sa mga tren at bus augmentation units, taxi, ride-hailing cars, point-to-point buses, shuttle services, at bisikleta.
Pinapahintulutang namang pumasada ang mga traysikel sa kondisyong may permiso mula sa nasasakupang lokal na pamahalaan. Samantala, bawal pa ring pumasok ang mga provincial buses sa Kamaynilan.
Mula Hunyo 22 hanggang 30, papayagan na ng Department of Transportation (DOTr) na bumalik sa kalye ang mga public utility buses, modernong jeepney, at UV express vans.