Mga tsuper, gustong kuning contact tracers ng gobyerno

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ng: Partido Manggagawa

Kinokonsidera ng pamahalaan ang pagbibigay ng alternatibong hanapbuhay sa mga apektadong public utility jeepney (PUJ) drivers ng community quarantine dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may posibilidad na kunin bilang contact tracers ang mga jeepney drayber upang makatulong sa mga pamahalaang lokal na tukuyin ang mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa Covid-19.

Tinatayang nasa 120,000 contact tracers sa buong bansa ang nais kunin ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, limitadong pampublikong transportasyon lamang ang pinahihintulutan sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.

Sinabi rin ni Roque na pinag-iisipan ng pamahalaan na baguhin ang anyo ng mga tradisyunal na jeepney upang umayon ito sa minimum health standards.

Aniya, “It’s almost a physical impossibility to have social distancing when passengers face each other in a jeepney (Imposible ang social distancing sa mga jeepney sapagkat harapan ang mga pasahero)”.

Subalit, papayagan naman ang pagbababiyahe ng mga modern jeepney kung saan katulad ng bus ang seating arrangement.

Sa kasakuluyan, makatatanggap ng fuel subsidy ang mga PUJ drivers na nasa 30% na kanilang arawang konsumo sa gasolina sa loob ng tatlong buwan. Makakakuha sila ng 12 litro na may halagang P360.

Itinutulak naman ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng economic stimulus package kung saan magbibigay ito ng fuel subsidy, ayuda para sa nawalang kita, at tulong pinansyal sa balik-operasyon ng mga tsuper. Kasalukuyang tinatalakay ang panukalang batas sa Kamara.

Dinipensahan naman ni Roque si DOTr Secretary Arthur Tugade matapos umani ng batikos ang kalihim dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon para sa mga commuters.

Iginiit ng tagapagsalita ng pangulo na naging mabilis ang pagtugon ng DOTr sa mga commuter dahil sa agaran nitong pag-deploy ng mga karagdangang bus sa commercial lanes at pagdaragdag ng shuttle services para sa mga front line healthcare workers.

Umapela rin si Roque sa mga employer na kalahating bilang lamang ng mga empleyado ang payagang pumasok sa trabaho.

Dapat aniyang tularan ang ginagawa ng ilang ahensya ng gobyerno kung saan kalahati ng mga empleyado ang pumapasok samantalang ang kalahati naman ay nasa ilalim ng alternative work schemes katulad ng work-from-home set-up.

Kalusugan pa rin di umano ang pangunahing prayoridad kaya naman mananatiling limitado ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan.

We will never get to the point that we can provide 100-percent transportation to what we used to have in the workplace (Hindi tayo makakarating sa punting 100% transportasyon kumpara noong nakaraan),” giit ni Roque.

Sa isang panayam, hinikayat niya ang mga kapwa opisyal ng pamahalaan na huwag pansinin ang mga hamong mag-commute upang maunawaan ang kalbaryo ng mga commuters dahil ginawa na niya ito noong nakaraan sa pamamagitan ng pagsakay sa MRT-3.

“Ginawa ko na po yan dati either way babatuhin ka. So hindi ko na po gagawin muli ‘yan. Naintindihan po natin na mahirap talaga ang nangyayari sa ating mananakay,” pahayag ni Roque.

May dalawang bugso ang planong pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa ilalim ng GCQ.

Ang Phase 1, mula Hunyo 1 hanggang 21, ay nagpapahintulot sa pagbabalik-operasyon ng mga tren, bus augmentation services, taxi, transport network vehicle services (TNVS), shuttle services, point-to-point buses sa limitadong kapasidad, at mga bisikleta.

Puwede ring bumiyahe ang mga tarysikel sa kondisyon na papayagan ito ng lokal na pamahalaan. Mananatili namang bawal ang pagpasok ng mga provincial buses sa Kalakhang Maynila.

Sa ilalim naman ng Phase 2, mula Hunyo 22 hanggang 30, papayagan nang muli ang mga public utility buses, modern public utility vehicles, at UV Express units sa limitadong kapasidad.

LATEST

LATEST

TRENDING