Malacañang: Walang katiwalian sa pangalawang bugso ng SAP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Makakaasa aniya ang publiko na hindi mapupunta sa kamay ng mga kurap na opisyal ang P100 bilyong badyet na inilaan para sa pangalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP), ayon sa Palasyo.

Humingi naman ng paumanhin at pag-unawa mula sa taumbayan si Presidential Spokesperson Harry Roque sa posibleng pagkaantala ng distribusyon.

Aniya, “We’re also plugging the holes for corruption because when there’s no more intervention by local government units, then we reduce the possibility of corruption. So please, we ask for (the) people’s patience (Sinusubukan naming lutasin ang katiwalian sa distribusyon sapagkat kung hindi na mangingi-alam ang lokal na pamahalaan, mababawasan natin ang posibilidad ng kurapsyon. Humihingi po kami ng inyong pag-unawa)”.

Naunang sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na sa halip na local government units (LGUs), pulis at militar na ang mangunguna sa pamamahagi ng pangalawang alon ng SAP.

Tinatayang nasa 17 milyong mahihirap ang makakatanggap mula sa pangalawang bugso ng ayudang pinansyal. 12 milyon sa mga ito ang nakatanggap na mula sa unang bugso ng SAP habang ang limang milyon ay bagong mga benepisyaryo.

Tiniyak naman ni Roque sa 17 milyong benepisyaryo na matatanggap nila ang ayuda “sa loob ng ilang segundo” kapag naumpisahan na ang mekanismo ng automated sa pamamahagi ng ayuda.

Inamin ng DSWD na kakulangan sa tao ang dahilan kung bakit naaantala ang distribusyon sa pangalawang bugso ng ayudang pinansyal.

Kinakailangan munang i-validate ang pagkakakilanlan ng mga benepisyrayo bago umarangkada ang aktwal na distribusyon. Subalit, 472 lamang mula sa kabuuang 1,634 LGUs ang nakapagsumite ng liquidation reports sa DSWD noong Mayo 28.

Sa SAP, makakatangap ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda ang mga kwalipikadong benepisyaryo depende sa minimum wage ng kinabibilangang rehiyon.

Noong Mayo 14, inilunsad ng DSWD ang ReliefAgad, isang sistemang electronic sa pagbibigay ng ayuda na puwedeng isakatuparan sa pamamagitan lamang ng smartphones.

Ito ay matapos maglipana ang mga reklamo tungkol sa mga opisyal na di umano ay sangkot sa mga anomalya hinggil sa distribusyon noong unang bugso ng SAP.

LATEST

LATEST

TRENDING