Mahigit 30 health workers na tinamaan ng Covid-19, hindi nakuha ang inaasahang benepisyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nadismaya ang ilang senador nang malamang mahigit 30 health workers na nasawi o malubhang tinamaan ng Covid-19 ay hindi nakatanggap ng kompensasyon alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang pampubliko at pampribadong health workers, na malubhang tinamaan ng Covid-19 habang ginagampanan ang tungkulin, ay makatatanggap ng P100,000, habang ang pamilya naman ng mga nasawi ay makatatanggap ng P1 milyon.

Ayon kay Sen. Sonny Angara, na inulit ang sinabi ng Department of Health (DOH), wala sa mga health workers na nabanggit ang sumubok na kumuha sa kanilang nararapat na benepisyo dahil sa kawalan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bayanihan Law.

Dagdag pa ni Angara,  “It’s really criminal, this neglect to pass this, and to delay these types of benefits. We keep praising them as our heroes, and yet it’s mere lip service if we don’t give them anything material (Ang pag-antala sa pagbibigay ng nararapat nilang benepisyo ay hindi makatarungan. Itinuturing natin silang mga bayani subalit balewala lamang ito kung hindi naman maibibigay sa kanila ang nararapat nilang benepisyo)”.

Ang nangyari ay isa aniyang matinding kapabayaan, ayon naman kay Senador Richard Gordon, na mismong nagsulat sa nasabing probisyon tungkol sa mga benepisyo para sa health workers.

Batay sa impormasyong nakalap ni Gordon, 32 health workers ang nasawi sa Covid-19. Sa kasalukuyan, 1,172 health workers ang may coronavirus, 952 ay mild cases, 218 ay asymptomatic, habang dalawa naman ay malubha ang kondisyon.

Iginiit naman pareho ni Gordon at ni Senador Panfilo Lacson na hindi dapat gawing dahilan ang kawalan ng IRR upang isakatuparan ang nakasaad sa batas.

Hindi ito katanggap-tanggap, wika naman ni Senador Francis Pangilinan sabay nanawagan sa liderato ng Senado na siguraduhing malulutas ang problema.

LATEST

LATEST

TRENDING