
Magbubukas na muli ang voter registration sa darating na Hulyo 1.
Ayon sa tweet ni COMELEC Spokesperson James Jimenez “Mag-resume ang #VoterReg2020 sa (Voter registration will resume) July 1. #MagparehistroKa (Go register)”.
Ito ay matapos ma-extend ang suspensyon ng voter registration hanggang Hunyo 30, 2020 dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine.
“The period from May 1 to June 30 will give the Commission time to put in place anti-COVID-19 measures in relation to the conduct of the registration of voters once it resumes (Ang panahon mula Mayo 1 hanggang Hunyo 30 ay magbibigay ng karampatang panahon para sa COMELEC upang magpatupad ng mga Anti-Covid-19 measures upang matugunan ang muling pagbubukas ng voter registration,” wika ni COMELEC Executive Director Bartolome J. Sinocruz, Jr.
Noong Mayo 31, inanunsyo ng Komisyon na magpapatupad ito ng “No Face-to-Face Transactions” na palisiya sa lahat ng mga opisina sa bansa bunsod ng pagbabalik-operasyon nito sa Hunyo 1.
“In order to ensure the safety of the public during the COVID-19 pandemic, the offices of the Comelec nationwide will be instituting a ‘No Face-to-Face Transactions’ policy (Upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa panahon ng Covid-19 pandemic, magpapatupad ng ‘No Face-to-Face Transactions’ policy’ ang lahat ng opisina ng COMELEC sa buong bansa),” paglilinaw ng COMELEC.
Binanggit nitong ang mga transaksyon ay isasagawa lamang sa pamamagitan ng sulat, email, o fax.
Magkakaroon din ng skeletal work forces ang lahat ng opisina ng COMELEC upang mabawasan ang hawaan ng coronavirus. Nangangahulugan itong sasailalim sa teleworking o work-from-home arrangement ang mga empleyadong at-risk sa nakamamatay na sakit.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na magsuot palagi ng face mask, obserbahan ang tamang paghugas ng kamay, at pagsunod sa social distancing.