Robredo, kinuwestyon ang pagbibigay prayoridad sa Anti-Terror Bill

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Kinuwestyon ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang pagbibigay prayoridad sa anti-terror bill, na sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte, at hinikayat ang mga mambabatas na ibaling sa halip ang atensyon sa pagpapaigting mga hakbang kontra Covid-19.

“Itutok sana ng bawat institusyon ang buo at walang-kahating atensyon sa pagtugon sa mga pinakaagaran at pinakamahahalagang pangangailangan,” giit ni Robredo.

“Ang masasabi natin ukol sa Anti-Terrorism Act of 2020: Wala ni isa sa mga nabanggit kong pangangailangan ang matutugunan ng batas na ito,” wika ni Robredo matapos banggiting kulang pa rin ang pampublikong transportasyon sa mga general community quarantine (GCQ) areas at hindi pa rin natutupad ng pamhalaan ang layunin nitong makapagtest ng 30,000 bawat araw.

Nananatiling nasa 10,000 tests kada araw ang isinasagawa ng gobyerno.

Pinaalalahanan ni Robredo ang mga mambabatas na suriing mabuti ang anti-terror bill sapagkat isang talata lang aniya ang isinulat tungkol sa pagsugpo sa ekstrimismo.

“Sa kabilang banda, maraming probisyon ang nakatutok sa pagpapalawak ng kung sino ang puwedeng bansagang terorista, at sa pagbabawas ng mga checks and balances laban sa mga wrongful arrest,” panglilinaw ng pangalawang pangulo.

Dagdag pa nito, “Huwag madaliin ang pagpanday ng batas, lalo na ang mga batas na direktang nakakaapekto sa buhay at paraan ng pamumuhay ng napakarami sa atin.”

Bagama’t iginiit ng bise-presidente na walang lugar sa lipunan ang terorismo at karahasan, binigyang diin din niya na ang panukalang batas ay nagdulot ng mga agam-agam sa publiko dahil posible di umano itong gamitin upang supilin ang karapatan ng bawat mamamayan sa pagsasalita nang malaya.

Especially in the wrong hands—in the hands of people who have no qualms about using disinformation, inventing evidence, or finding the smallest of pretexts to silence its critics (Lalo na kung mapunta sa maling kamay- sa kamay ng mga taong walang pakundangang magpalaganap ng mga maling paratang, pagtatanim ng ebidensiya, at paghahanap ng kung anu-anong dahilan para patahimikin ang mga kritiko)—napakamapanganib ng kapangyarihang ito,” babala nito.

“Sikapin sana nating maisalamin nito ang saloobin at adhikain ng taumbayan. Hinihimok natin ang ating mga mambabatas: Magpamalas sana sila ng ibayong pakikinig at pagninilay sa pagpanday ng (Anti-) Terror Bill,” paanyaya ni Robredo sa mga kongresista.

Kung maisasabatas ang panukalang sinertipikahang “urgent” ng pangulo, papahintulutan ng pamahalaan ang pag-wiretap sa mga akusado, pag-aresto ng walang warrant, at pagkulong nang walang kaso nang aabot sa 24 na araw.

Huling inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa ikalawang pagbasa ang Anti-Terror Bill na naglalayong palitan ang “outdated” na Human Security Act of 2007. Isang bersyon din ang inaprubahan sa Senado noong Pebrero.

Dinipensahan naman Senate President Vicente Sotto III ang panukalang batas at sinabing may sapat na proteksyon ang nasabing panukala laban sa mga posibleng pag-abuso ng gobyerno sa mga kritiko nito.

LATEST

LATEST

TRENDING