Manggagawang walang masakyan sa Calamba, napasabak sa lakaran

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Calamba City Hall

Kawalan ng masakyan ang sumalubong sa ilang mga manggagawa sa Calamba City, Laguna sa unang araw ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa lalwigan.

“Wala namang bisikleta, wala namang pambili… ‘yung ipapambili ko eh di ipanlalaman-tiyan na lang ng mga bata… Kung hindi naman ako magtatrabaho, wala naman akong maipapakain sa pamilya ko,” giit ng nagbabalik trabaho na si Ariston Gonzales, isang construction worker na naglakad mula Barangay Uno Calamba City patungo ng Canlubang.

Sa ayudang pinansyal mula sa pamahalaan humugot si Gonzales ng panggastos sa panahon ng lockdown.

Dalawang oras din naglakad patungong city hall si Christian Omega upang asikasuhin ang requirements para sa pabrikang pagtatrabahuhan.

“Kapag nag-commute napakamahal rin ng gastos. Kaya tiis na rin muna sa lakad. Maaga pa rin naman kasi eh,” wika ni Omega.

Naglakad din si Dianne Torres bitbit ang anak pauwi sa kabilang barangay dahil ayaw nitong gumastos para sa special trip ng traysikel.

Aniya, “Mahirap po kasing sumakay tapos ang mahal-mahal pong sumingil. Tricycle lang po wala pa po kasing jeep.”

Sinabi naman ni Calamba City Mayor Timmy Chipeco, pinahintulutan niya ang pagtataas sa pasahe ng traysikel upang makabawi sa matagal na pagkalugi.

We allowed a little bit of increase at least 25 more because (Pinayagan naming magtaas ng pamasahe ng 25% kasi) kawawa naman ‘yung driver. Dati kasi puwede tatlo eh naging isa na lang”, ayon sa alkalde.

Nagpaalala rin si Chipeco sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga health protocols, physical distancing, at pagsusuot ng face mask bagama’t nasa GCQ na upang hindi mahawa at makahawa sa Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING