Binanatan ni Solicitor General Jose Calida si Coco Martin dahil sa pagpapahayag nito ng saloobin na ang pagpapasara ng ABS-CBN ay kagagawan di umano ng pamahalaan.
Sinabi ito ni Calida noong joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises and on Good Government and Public Accountability sa pamamagitan ng teleconferencing.
Sa isang post, sinabi ng Kapamilya actor na si Coco Martin na, “Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa’yo kahit patayin mo pa ako. Maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng NTC sa kontribusyon ninyo sa ating bayan! Tinatarantado ninyo ang mga Pilipino!”
Pinabulaanan naman ito ni Calida at sinabing hindi nauunawaan ng aktor ang sitwasyon. Aniya, “However, we cannot discount the fact that in his rage, Coco Martin’s outburst showed a clear lack of understanding of the situation (Klarong hindi nauunawaan ni Coco ang sitwasyon dahil sa galit niya).”
Dagdag pa, “If I had not been the Solicitor General, I would have called his bluff and make him eat his words (Kung hindi ako naging Solicitor General, ipapakain ko sa kanya ang mga salita niya)”.
Noong Pebrero, naghain si Calida ng quo warranto petition para mapigilan ang pag-renew ng legislative franchise ng ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence, Inc.
Ayon sa kanya, dahil ito sa patuloy ang paningil ng ABS-CBN at pagsasagawa ng operasyon sa pay-per-view channel ng ABS-CBN TV Plus – ang KBO kahit walang permiso mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Iginiit ni Calida na matagal nang “niloloko” ng network ang mga Pilipino.
Ang joint House panels ay nag-umpisa sa pagdinig tungkol sa pagbibigay ng 25 taong prangkisa sa ABS-CBN matapos bitawan ng Kamara ang isang panukalang magbibigay ng prangkisa sa network hanggang Oktubre 31, 2020.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, awtor ng franchise bill, masyadong naging mainit ang talakayan hinggil sa ABS-CBN at kinukuhanan na ito ng oras ang pag-uusap tungkol sa ibang mas mahahalagang panukala katulad ng mga palisiya tungkol sa Covid-19 response.
Subalit, binigyang diin nito na magkakaroon ng patas na pagdinig tungkol sa isyu sa lebel ng komite. Magpapatuloy ang pagdinig tungkol sa ABS-CBN franchise sa Hunyo 3.