Sektor ng transportasyon, nanawagan para sa sabsidiya ngayong GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Isang koalisyon na kinabibilangan ng mga transport sector workers at advocates ang nagpahayag ng hinanaing tungkol sa panukalang inihain ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) na limitahan ang bilang ng mga papasadang bus at jeepney sa mga lansangan ng Kamaynilaan sa pagpapasaialim nito sa general community quarantine (GCQ) simula Hunyo 1.

Ayon sa IATF-EID at Department of Transportation (DOTr), mananatiling bawas ang bilang ng mga pampublikong sasakyang magbabalik-pasada habang konting pasahero lang din ang puwedeng sumakay sa mga ito. Hindi pa rin pinapayagan ang mga jeepney na magbalik-pasada sa ilalim ng GCQ.

Ayon sa pahayag ng koalisyong Move as One, ang pagbabawas sa seating capacity ng mga pampublikong sasakyan upang matiyak ang physical distancing ay magdudulot ng pagkalugi at pagkawala ng hanapbuhay sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.

Ito ay matapos ipahayag si DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag umasa sa “100% operations” dahil bagama’t mandato ng ahensyang maglaan ng sapat na transportasyon sa publiko, responsibilidad din nitong masiguro na mapigilan ang hawaan ng Covid-19 sa mga pampublikong sasakyan.

Nais naman ng koalisyon na dinggin sila sa kanilang panukalang service contracting kung saan babayaran ng pamahalaan ang mga operator at drayber ng “per kilometer fee” sa babaybaying ruta upang hindi mawalan ng hanapbuhay ang sektor ng transportasyon.

 “This policy will protect the families of millions of transport workers who are now at the brink of starvation, especially those who did not receive the promised aid. Many of them are begging on the road just for food (Ang palisiyang ito ay makapagsasalba sa milyun-milyong manggawa sa sektor ng transportasyon mula sa gutom lalo na ang mga hindi nabigyan ng ayuda. Karamihan sa kanila ay namamalimos na lang sa kalye para may makain)”, pahayag ni Ernie Cruz, presidente ng the National Confederation of Transport Workers Union (NCTU).

Nanawagang muli ang koalisyon na ibigay na ang sabsidiya na bahagi ng P110 bilyon transporation bailout na kinabibilangan ng paggastos ng pamahalaan para sa “active transport infrastructures” katulad ng mas malawak na sidewalks, dedicated bike lanes, urban tree shades, ligtas na mga daanan, at iba pa.

Iginiit din ng Move as One na masosolusyunan ng panukala ang umiiral na “boundary system” kung saan nakadepende ang kita ng mga operator at drayber sa dami ng pasaherong maisasakay. 

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Transportation Science Society of the Philippines na mangangailangan ito ng karagdagang datos at kinakailangang magtatag ng performance audit and monitoring unit sa pamahalaan upang matutukan ito.

Iginiit naman ng koalisyon na tuluyang malulugi ang ang mga operator at drayber kung ipapagpapatuloy ang sistema ng boundary sa ilalim ng GCQ.

Dagdag pa ng Move as One, ang ipinapanukalang investment ay magpoprotekta sa hanapbuhay ng aabot sa 88% na mga pamilyang walang sariling sasakyan para pumasok sa trabaho, ayon sa datos ng Japan International Cooperation Agency.

LATEST