Malacañang: Lahat puwede nang lumabas sa MGCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Maaari nang lumabas ang lahat ng mga residenteng nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) sa kondisyon na striktong pagsunod sa minimum health standards, ayon sa Palasyo.

Ang minimum public health standards ay ang mga pamantayang binalangkas ng Department of Health (DOH) at iba pang mga alituntuning itinalaga ng ibang ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang publiko na mapigilan ang hawaan sa Covid-19.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang Resolution No. 41 na nilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay nagpapahintulot sa lahat na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan basta’t magsusuot ng face masks, magsasagawa ng physical distancing, at susunod sa iba pang health protocols.

Aniya, “Sa modified GCQ po, 100 percent pupuwede pero siyempre po ingat pa rin”. 

Sa general community quarantine (GCQ) naman, ipinagbabawal ang paglabas ng mga bata, matatanda, buntis, at may mga malulubhang karamdaman.

Subalit, sa ilalim ng omnibus guideline ng community quarantine sa bansa, pinapayagang makalabas ang mga senior citizens na kabahagi sa essential workforce ng mga industriya o opisang pinapahintulutang magsagawa ng operasyon kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng striktong enhanced community quarantine (ECQ).

Iyon nga palang mga seniors baka magreklamo na naman ‘no. Iyong same rule po nandiyan pa rin: Puwede kayong lumabas kung mayroon po kayong kinakailangang bilhin na indispensable; at kung kayo po ay nagtatrabaho,” panglilinaw ni Roque.

Sa mga pampublikong opisina naman sa MGCQ areas, 100% na kapasidad na ang operasyon sa mga ito subalit puwedeng magpatupad ng alternatibong sistema para mga edad 59 pataas.

Ang mga lugar na sumasailalim sa GCQ mula Hunyo 1 hanggang 15 ay ang Pangasinan, Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (Calabarzon), Metro Manila, Region 7 (Central Visayas), Zamboanga City, at Davao City. Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay nasa MGCQ.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng pangulo na patuloy ang pagtutok ng regional IATF sa health system performance capacity; at pagsunod sa surveillance, isolation at treatment protocols ng mga nasabing lugar.

Bagama’t nasa GCQ ang Cebu City, na kabahagi ng Central Visayas, iginiit ni Roque na kailangang magsumite ng detalyadong zoning plan ang mga lokal na opisyal para sa mga barangay na may mataas na posibilidad na magka-Covid-19.

Para naman sa mga aalis ng tahanan, hindi na mangangailangan ng travel authority ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) at sa halip ay pupuwede na ang company identification (ID) at certificate of employment (COE).

Hindi na rin kailangan ng travel authority para sa medical at family emergencies sa loob ng lalawigan o sa loob ng Kamaynilaan. Subalit, kailangan naman ito para sa mga pupunta sa ibang lalawigan.

Ang walang travel authority ay hindi papapasukin sa mga quarantine control points (QCPs).

LATEST

LATEST

TRENDING