Hindi na nasunod ang physical distancing nang dumagsa ang maraming pasahero, na nais umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan, sa Davao City Overland Transport Terminal (DCOTT) sa unang araw ng modified GCQ sa rehiyon.
Ito ay dahil isang bus lang, na kayang magsakay ng 25 hanggang 28 na pasahero, ang bumibiyahe sa bawat ruta kada araw.
Sa Davao Oriental, mahigpit na ipinapatupad ang “No Embarkation, No Entry” matapos makapagtala ng 12 bagong kaso ng Covid-19 ang lalawigan. Nangangamba naman ang ilang residente na baka mahawa sila.
Pansamantalang ipinasara naman ang opsital ng Davao del Sur bunsod ng pagpopositibo sa Covid-19 ng pito nitong frontliners. Hindi tatanggap ng pasyente ang naturang ospital hanggang Hunyo 12 dahil sa isasagawang disinfection.
Tinanggal naman ang mga health screening sa mga border checkpoints ng Davao del Norte subalit inutusan ang mga operator ng bus na magsumite ng manipesto ng mga pasahero upang makatulong sa contact tracing.
Patuloy naman ang livelihood training sa mga Ata Manobo sa bayan ng Talaingod kung saan tinuruan sila ng vegetable farming at broiler chicken production upang makapaghanapbuhay sa kasagsagan ng Covid-19 krisis.
Ang Davao de Oro at Davao Occidental naman ang may pinakamababang kaso ng Covid-19 sa rehiyon.