MMDA: Number coding scheme, mananatiling suspendido sa GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Joey O. Razon

Mananatiling suspendido ang number coding scheme mula Lunes hanggang Biyernes sa pagtransisyon ng Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) ngayong Hunyo 1, ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Traffic Chief Bong Nebrija.

Aniya, “Since limited pa rin ang transpo (Dahil limitado ang transportasyon), minabuti na lang po ng kagawaran is i-lift muna natin ang number coding para magbigay daan sa mga frontliners natin na makabiyahe, at the same time yung mga naninibago pa mag-commute.”

Dagdag pa niya, “Give them time to adjust (Para makapagbigay oras mag-adjust), kaya wala pong number coding tomorrow until Friday”. Subalit, hindi naman nagbigay ang ahensya ng tiyak na petsa kung kailan nito ipatutupad ang number coding scheme.

Paalala naman ni Nebrija, “Sa ating commuters, empower yourselves with information (alamin ninyo), kung saan po kayo sasakay at i-anticipate po ang delay. Kaya mag-adjust po tayo sa travel time natin”.

Iginiit din nito na hanggang sa dalawang pasahero lang ang papayagan sa mga pampribadong sasakyan. Paliwanag niya, “The basic rule is, you count the number of rows ng sasakyan (Bilangin natin bawat row ng sasakyan); each, row tig-2 lang po, dulo at dulo. Sa sedan, 4 ang pwede. Sa SUV, 6.”

Para naman sa mga ride-hailing vehicles, kinakailangang magkaroon ng harang sa pagitan ng drayber at pasahero, at mandatoryo rin ang pagsusuot ng face masks. Dapat ding i-sanitize ang sasakyan pagkatapos ng bawat sakay.

Dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon, pinapayagang bumiyahe sa EDSA ang mga bisikleta. Subalit, bawal ang mga pag-angkas o backrides .

“Di na po namin sinusuway yan. Pinapakiusapan namin na sa gilid na lang sila dumaan,” wika ni Nebrija.

Pinatagal naman ng Land Transportation Office ang validity ng mga expired na drivers’ license hanggang sa Agosto 1.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang pagbabalik ng pampublikong transportasyon ay isasakatuparan sa dalawang bugso. Ang unang bugso ay mangyayari sa Hunyo 1 hanggang 21 kung saan limitadong operasyon ng tren, bus augmentation units, taxis, ride-hailing cars, point-to-point buses, shuttle services at bisikleta ang papayagan.

Ang pangalawang alon naman ay mula Hunyo 22 hanggang 30 kung saan papahintulutan nang bumiyahe ulit ang mga public utility buses, modernong jeepneys, at UV express vans.

LATEST