Isang Pilipinong pastry chef sa Riyadh, Saudi Arabia ang nanawagan ng tulong sa pamahalaan dahil sa kawalan ng atensyong medikal na ibinibigay sa kanya at sa ilang mga kasamahan bagama’t nagpositibo na sila sa Covid-19.
Si Alvin Benitez ay nagpostibo sa Covid-19 matapos siyang ipatest ng kanyang amo. Subalit, hindi siya ipinasok sa quarantine facility kundi sa isang kwarto kung saan may kasama siyang hindi pa raw nai-papacheck-up. Pinangangambahan ang pagkakaroon ng hawaan sa kanilang magkakasama sa iisang silid.
Hindi rin daw maayos ang pagpapasahod sa kanila sapagkat kalahating sahod lamang ang ibinibigay ng kanilang amo.
Ayon naman sa OIC ng Advocacy and Social Marketing Division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Jay Teves, makikipag-ugnayan sila sa pamahalaan ng Saudi Arabia upang mabigyan ng atensyong medikal ang grupo ni Alvin.
Dagdag pa ni Teves, “sisiguraduhin ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) na makukuha nila ang karapat-dapat na kanila in terms of sweldo at saka mga iba pang benepisyo”.