SWS: Mga Pilipino, humugot mula sa ayuda, ipon, at pautang para sa gastusin ngayong quarantine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Maraming Pilipino ang umasa sa ayudang pinansyal mula sa pamahalaan, sariling ipon, at pautang o loans sa pang-araw-araw na gasutsin sa kasagsagan ng community quarantine, ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa naturang survey, 39% ay humugot mula sa ayudang pinansyal galing sa pamahalaan. 45% naman ay kumuha mula sa kanilang kabuuang kinita, 21% sa sariling ipon, at 6% mula sa pautang o loans.

Dagdag pa ng survey, “On the other hand, 6% of families say they do not spend money because they receive relief goods, and 2% say they do not spend money because they harvest their own crops. While these families are not spending money, it does not imply that all their needs have been met (Samantala, 6% ng mga pamilya ang nagsabing hindi sila gumastos dahil nakatanggap sila ng relief goods habang 2% naman ang hindi gumastos dahil sa pagkakaroon ng sariling pananim. Bagama’t hindi gumagastos, hindi ito nangangahulugang hindi sila nagugutom)”.

Iginiit ng survey na walang pagpipilian ang mga sumagot na maaaring magbigay ng mahigit isang tugon.

Sa tinatayang pagpapasara ng 93,000 na establishimentong komersyal sa dalawang buwang lockdown, mahigit 2.5 milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay sa bansa at inaaasahang aabot pa ng 10 milyon ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Naunang iniulat ng finance website na Finder noong Abril na 58% ng mga Pilipino ang hindi nakabili ng mga pangunahing bilihin sa kasagsagan ng lockdown.

Sa isang naunang survey naman ng SWS, apat sa limang Pilipino ang lumabas ng tahanan nang di bababa sa isang beses at di tataas nang tatlong beses sa isang linggo para sa pagbili ng mga pangunahing bilihin. 90% din ng mga Pilipino ang mas takot na mahawa sa Covid-19 kumpara sa ibang sakit.

Napuno ng kaliwa’t kanang pambabatikos ang naging pagresponde ng pamahalaan kontra Covid-19 dahil sa pagkaantala ng mga hakbang, hindi patas na pagpapatupad ng batas, pag-aresto sa mga kritiko, at kawalan ng suporta sa mga mahihirap bagama’t nabigyan aniya ng emergency powers ang pangulo.

Inamin din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatali ang kamay nito sa pagpapatupad sa pangalawang bugso ng social amelioration program (SAP). Pamahalaang lokal ang pinagbubuntungan ng sisi tungkol sa pagkaantala sa distribusyon ng SAP.

LATEST

LATEST

TRENDING