Roque: Ayudang pinansyal para sa mahihirap, ititigil na sa Hunyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ipahihinto na ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayudang pinansyal para sa mga mahihirap sa buwan ng Hunyo sapagkat marami nang industriya ang inaasahang magbubukas sa pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa malaking bahagi ng bansa, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Aniya, “Itong buwan ng Hunyo dahil lahat po tayo ay nasa GCQ [general community quarantine] na ay wala pong ayuda”.

Subalit, magpapatuloy pa rin ang pamimigay ng ayudang pinansyal mula sa pangawalang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga benepisyaryong hindi pa nabibigyan.

“Lilinawin ko po, ‘yung pangalawang buwan ng ayuda sa SAP, 12 million po ‘yan, ibibigay pa rin doon sa mga nakatira sa mga lugar na nanatiling ECQ [enhanced community quarantine] or MECQ [modified enhanced community quarantine],” paliwanag ni Roque.

Habang patungo sa GCQ ang malaking bahagi ng bansa sa susunod na linggo, maaari pa ring magpatupad ng mahigpit na lockdown ang mga barangay, munisipalidad, o lungsod basta’t may pahintulot mula sa lokal na IATF.

Naglaan ng P200 bilyon na emergency package ang pamahaalan para sa mga kapos-palad na pamilya upang matulungan sila sa mga gastusin bunsod ng pagkaparalisa ng ekonomiya dahil sa Covid-19 pandemic.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng ayudang pinansyal mula P5,000 hanggang P8,000 batay sa minimum wage rate ng nasasakupang rehiyon para sa buwan ng Abril at Mayo.

LATEST

LATEST

TRENDING