Palasyo, naglabas ng bagong listahan ng mga lugar sa sasailalim sa GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Naglabas ang Malacañang noong Mayo 30 ng updated na listahan ng mga lugar na ipapasailalim sa general community quarantine (GCQ) mula Hunyo 1 hanggang 15.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ito ay ang Pangasinan, Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (Calabarzon), National Capital Region (NCR) kasama ang Pateros, Region 7 (Central Visayas), Zamboanga City, Davao City, Cebu City, at Mandaue City.

“Ang lahat po ng ibang lugar pa sa Pilipinas na hindi ko nabanggit, lahat po kayo ay nasa modified GCQ,” dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.

Mananatiling limitado ang paggalaw ng tao, pampublikong transportasyon, at operasyon ng ilang industriya sa ilalim ng GCQ. Patuloy ding magbabantay ang kapulisan sa mga GCQ areas upang matiyak ang pagpapatupad ng quarantine protocols.

Asahan namang mas magaan ang mga quarantine protocols sa mga lugar na sasailalim sa modified GCQ (MGCQ). Aniya“Magiging mas relaxed po… Bagama’t meron pa rin pong presensya ng ating kapulisan para ma-enforce pa rin ang community protocols.”

Sa ngayon, nasa enhanced community quarantine (ECQ) o ang pinakamahigpit na uri ng lockdown pa rin ang Cebu at Mandaue hanggang Mayo 31 sapagkat itinuturing itong high-risk area para sa Covid-19.

Modified ECQ naman ang kasalukuyang umiiral sa Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales.

Samantala, ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng GCQ. 

LATEST

LATEST

TRENDING