Base sa datos ng Department of Health (DOH) noong Mayo 30, nakapagtala na ang bansa ng kabuuang 17,224 na mga nagpopositibo sa Covid-19.
Subalit, 252 lamang ang “fresh cases” o mga panibagong kaso ayon sa DOH base sa 590 na kabuuang naiulat. 338 naman mula sa 590 na ito ay mga “late cases” o backlogs, ayon sa datos ng DOH.
Nagmungkahi naman ang isang analyst na dapat bilisan pa ng ahensya ang Covid-19 testing at validation upang malaman ang totoong sitwasyon ng pandemiya sa ating bansa lalo na’t mas magaang quarantine protocols ang ipatutupad sa mga darating na araw.
Mahihirapan aniya na gumawa ng mga palisya ang mga opisyal ng pamahalaan kung ang pinagbabasehang datos ay hindi “real-time”.
Nananatiling nasa mahigit 9,000 tests ang isinasagawa ng DOH bawat araw, malayong-malayo sa 30,000 tests kada araw na target nito sa dulo ng Mayo.
Iginiit naman ng DOH na kumalap na ito nga mga karagdagang encoders upang matugunan ang problema sa mga backlogs.