Palasyo, humingi ng tawad sa mga jeepney drayber na hindi pa makakapasada

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Reian Viernes

Humingi ng dispensa ang Malacañang sa mga jeepney drayber dahil bawal pa ring pumasada ang mga ito sa pagpapagaan ng quarantine protocols sa ilang bahagi ng kapuluan.

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mahirap ang physical distancing sa loob ng jeepney dahil sa anyo nito.

Aniya, “Pasensiya na po sa ating mga kapatid na namamasada ng jeepney. Pero pinag-aaralan pa po paano magkaroon ng social distancing sa ating mga jeepney.” Dagdag pa ni Roque, “Ang mga jeepney po kasi ay harapan so napakahirap magkaroon ng social distancing.”

Samantala, pinapayagan namang bumiyahe sa limitadong kapasidad ang mga tren, bus augmentation units, taxi, ride-hailing cars, point-to-point buses, shuttle services at bisikleta. Subalit, bawal pa ring pumasok ng Kamaynilaan ang mga provincial buses.

Pinapayagan din ng Department of Transportation (DOTr) na magbalik-operasyon ang mga traysikel na pahihintulutan ng local government unit (LGU).

Sa pangalawang bugso naman ng pagbabalik-operasyon ng pampublikong transportasyon na magaganap sa Hunyo 22 hanggang 30, balik sa kalye na rin ang mga public utility buses, modernong jeepney at UV express alinsunod sa striktong pagsunod sa social distancing at mandatoryong pagsusuot ng face mask.

Sinabi naman ni Roque na pinag-aaralang mabuti ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung paano maibabalik sa kalye ang mga jeepney at mabibigyan ng hanapbuhay ang mga drayber nito

Ayon naman sa grupong Piston, ginagamit lamang ng gobyerno ang umiiral na pandemiya bilang dahilan upang tuluyan nang i-phase out ang mga tradisyunal na jeepney.

Tinatayang nasa 500,000 na mga drayber at 200,000 small jeepney operators aniya ang apektado sa ipinatutupad na lockdown. Ilang mga jeepney drayber na rin ang namalimos sa lansangan matapos mawalan ng hanapbuhay.

LATEST

LATEST

TRENDING