Ilang Pilipino, may agam-agam pa rin sa paglunsad ng GCQ sa Kamaynilaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Bagama’t patuloy ang pag-arangkada ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila sa Hunyo 1, may mga ilang residente pa rin ang tutol sa panukalang ito.

Si Aling Josephine, isang tindera sa palengke, ay nangangamba dahil sa posibleng pagdagsa ng mga mamimili at tuluyang hindi na masunod ang physical distancing. Giit niya, “Kailangang proteksyunan mo rin yung sarili mo”.

Sa Pritil Market naman sa Tondo, tila “mala-piyesta” kung ilarawan ng isang tindera ang kalakaran ng mga tao na halatang hindi nasusunod ang social distancing.

Ayon sa isang residente, hindi magiging maayos ang pagpapatupad ng GCQ kung hindi naman susundin ng mga tao ang mga ipinag-uutos sa kanila ng pamahalaan para tiyakin ang kaligtasan laban sa coronavirus.

Depensa naman ng Brgy. Captain na namumuno sa lugar, hindi naman daw sila nagkulang sa pagpapaalala sa publiko hinggil sa pagsunod sa mga ipinatutupad na mga patakaran ng pamahalaan kontra Covid-19.

Ayon naman sa isang sociologist na si Bro. Clifford Sorita, hindi kawalan ng disiplina ang problema kundi ang hindi maayos na pagbibigay ng impormasyon sa publiko kung bakit dapat sundin ang mga patakarang ipinatutupad.

“Magkaroon dapat ng sense of responsibility, hindi lang sense of following because it is a command. Ang format kasi ng ating information campaign, ganito: What, How, and Why. Ang tamang messaging sa ating mga kababayan, ireverse mo ang proseso. Dapat Why, How, and then What,” paliwanag ni Sorita.

LATEST