Año: Mga checkpoint sa pagitan ng mga lalawigan, mahigpit pa rin

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DILG Secretary Eduardo Año

Ipagpapatuloy ang paghihigpit sa mga checkpoints sa mga hangganan ng mga lalawigan bagama’t papaluwagin na ang quarantine protocols sa susunod na buwan, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Aniya, “In between borders ng probinsiya, medyo mahigpit yan.”

Ayon sa kalihim, ang mga babiyahe sa mga lalawigan para sa non-work purpose ay mangangailangang kumuha ng travel pass. Iginiit naman ni Año na magbibigay muna ng medical certificate ang mga LGU bago makakuha ng travel pass. Nagtayo na ng mga help desk sa mga local government units (LGUs) at police stations upang maikalat ang impormasyon tungkol sa nasabing travel pass.

Company ID o katibayan ng employment naman ang kinakailangang ipakita ng mga manggagawa sa mga checkpoints upang makadaan. May mga listahan na di umano ang mga checkpoints ng mga industriyang pinapayagang magbalik-operasyon.

 “’Yung mga nagtatrabaho and are crossing boundaries, ang kailangan lang naman nila diyan yung company ID, proof of work. Kung walang ID ay certificate of employment, kung sino yung employer. I-o-honor naman ‘yan at more or less, itong mga karatig-probinsya ng Metro Manila, nakapagplano na rin ang mga pulis natin sa mga pagma-man ng checkpoint. ‘Yung checkpoint naman natin, mag-adjust ‘yan,” pagbibigay linaw ng kalihim.

Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) noong Mayo 28, sinabi ni Año kay Pangulong Rodrigo Duterte na babaguhin ang mga patakaran ng mga checkpoints sa Metro Manila at ilang kalungsuran sa bansa upang maibsan ang trapiko dahil sa inaasahang pagdami muli ng mga sasakyan dahil sa pagbubukas ng ekonomiya.

Simula Hunyo 1, sasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Davao City, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Pangasinan at Albay. Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay sasailalim sa modified GCQ.

LATEST

LATEST

TRENDING